Dahil sa pag-urirat sa apelyido niya, sa kanila na ang Cuneta!–Faith

MINSAN sa interbyu kay Faith Cuneta ay napuno na ito sa paulit-ulit na pagkukuwestyon sa paggamit nito ng apelyidong Cuneta kaya hindi na siya nakapagpigil na sabihing “Sa kanila na ang Cuneta!”

Nang nahimasmasan umano ito ay humingi naman siya ng paumanhin sa press.

Sa ginanap na album launching ni Faith Cuneta ng pinakabago nitong Twist of Faith ay muling naungkat ang dating isyu sa paggamit nito sa apelyidong Cuneta.  Pinagdududahan ang kanyang paggamit ng nasabing apelyido dahil wala naman umanong dugong Cuneta ang mang-aawit.

May nagsasabi din na sumasakay lang siya sa kasikatan ng apelyido ng Megastar para mapansin at sumikat. Kahit ilang beses din nitong sabihing lolo niya ang namayapang dating mayor ng Pasay ay pinagdududahan pa rin siya.

Aniya, “Kung minsan, naiirita na ako, paulit-ulit na kasi ang tanong kaya nga minsan nasabi ko out of control na sa kanila na ang Cuneta.

Tama na sa akin ang Faith, kaya ko na, makakatayo na ako kahit walang Cuneta.”

Isa sa pinakahusay na mang-aawit ngayon si Faith pero ipinagtataka ang pangyayaring hindi man lang ito napapanood sa show o sa isang teleserye.  Pati ang relasyon nito sa kanyang Tita Sharon ay naungkat din na ayon sa kanya, mabait sa kanya ito at kapag nagkikita sila ay niyayakap siya.  Pati na rin sa mga nagdaang anibersaryo celebration ng Sharon sa Araneta Coliseum o guesting man lang sa Sharon ay hindi man lang siya nakita.  Isang simpleng, ‘Ewan’ ang kanyang naging kasagutan.

Sa mga hindi nakakaalam ay abala ang ating Koreanovela Diva sa mga provincial show at pati sa ibang bansa.

Kararating lamang niya mula sa Australia para sa launching ng kanyang bagong album.  Aniya, “Oo nga, madalang na akong napapanood dito sa atin pero di naman ako nawawalan ng mga booking sa abroad.

Mabait ang Diyos at heto nga, I’m promoting my latest album after three years, ang A Twist of Faith and it has a dozen of old love songs.  Ito ay produced ng Polyeast and nalaman ko na marami silang nakaplanong projects sa akin.”

Ang dalawang single ng A Twist of Faith ay ‘Dito Sa Puso Ko’ na pinasikat ni Ogie Alcasid at kasama rin dito ang ‘Paano Kaya,’ awiting pinasikat naman ni Jessa Zaragoza. Napapaloob din sa bagong album ay ang mga sumusunod na OPM revivals: Iyong-Iyo (Big Thing), Gulong Palad (Eva Eugenio & Eugene Villaluz), Paniwalaan Mo (Boyfriends), Sa Isip Ko (Agot Isidro) at  Damdamin Ko Sa’yo (Regine Velasquez).  Kasama rin dito ang personal favorite ni Faith, ang Kung Maibabalik Ko Lang (Regine Velasquez), Bakit Labis Kitang Mahal (Dingdong Avanzado), Hindi Na, Ayaw Ko Na (Regine Velasquez), Please Don’t Go Away (Ogie Alcasid) at Mula Noon Hanggang Ngayon (Lea Salonga). Alex Datu

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply