Eroplano, barko, pondo para sa mga OFW sa Korea nasaan?

NASAAN ang paghahanda ng mga onorabol sakaling sumiklab ang digmaan sa Korea?

Tayo’y nagtatanong, Suki, dahil sa sinasabi ng mga onorabol na may 50,000-60,000 na lahi ni Juan sa South Korea.

Meron ding mangilan-ngilan sa North Korea pero bahala na umano ang United Nations sa mga ito dahil may Pinoy raw na tauhan ng opisina ng UN doon.

Sakaling magkaroon nga ng giyera sa pagitan ng North at South Korea, mayroon na ba talagang nakahanda na programa para sa paglilikas ng mga overseas Filipino worker doon?

Por eksampol, nasaan ang mga eroplano para sa mabilis na paglilikas?

Meron din  bang barko na gagamitin?

Ilan ang eroplano na olways abeylabol sakaling ito lang ang pupuwede?

Ang barko naman ay pu-puwedeng doon sardinasin ang mga OFW at huwag lang umabot sa bilang na lulubog naman ang mga ito.

Sa barko lang, nasa 25-30 ang kailangan para sa 2,000 pasahero bawat isa.

Kung eroplano, naku, marami ang kailangan dahil nasa 300-500 lang ang karaniwang laman nito.

Paano rin ang gitgitan ng mga eroplano at barko sa mga paliparan at pier ng Korea?

Alalahaning napakaraming bansa ang magsasagip din ng kani-kanilang mga mamamayan at magsisiksikan ang lahat doon.

Ang pondo ay dapat na nakaredi lang at dapat na sapat ito.

Isa pa sa dapat na alalahanin ang posibleng paggamit ng bombang nukleyar doon.

Kaya nga dapat na buo at mabilisan na paglilikas ang dapat na ihanda ng pama-halaan. Nasaan yan, huh?

oOo

Nagtatanong at sinasabi natin ang mga bagay na ito dahil sa karanasan ng mga OFW sa Lebanon nang magkagulo roon.

Wala palang pera ang gobyerno para sa paglilikas, pagkain at gamot para sa mga OFW na naipit at naistranded sa kung saan-saan.

Binobola pa nga tayo noon na reding-redi ang gobyerno at kung hindi pa pumalag ang ambasador doon, hindi pa natin nalaman.

Merong padala, sabi ng mga onorabol.

Yun pala, ni kusing ay walang nakararating doon.

Mabuti na lang at may mga simbahan na doon tumakbo ang mga OFW para hindi mahagip ng mga bala at bomba at pagtutulungan ng mga OFW at pari, kasama na ang naipit ding mga opisyal ng gobyerno roon.

oOo

May mga kakilala at kamag-anak tayo, Suki, lalo na sa South Korea.

Karamihan sa mga ito ang obrero sa mga konstrak-syon, pagawaan, enterteynmen at iba pa.

Kinakabahan umano sila dahil sa nagaganap na gulo.

Mas matindi umano ngayon ang kaba nila kumpara noong may pinalubog na barko ng South Korea.

Ito’y dahil sa mukha ng digmaan talaga ang naganap sa pagitan ng magkabilang panig ng mga bomba at kanyon.

Ngayon, Suki, pinakamaganda umano na ang pamahalaan ang tutulong sa kanila sa oras ng kagipitan dahil limitado ang sarili nilang bulsa at tulong ng kanilang mga employer.

Isa pa, nasaan umano ang sinisingil sa kanila ng pamahalaan tuwing aalis sila bilang pondo para sa kanilang paglilikas at iba pang aksyon sa gitna ng kagipitan? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply