Fotogs nagpakalbo para sa massacre victims

Kalbo!

Sigaw ang katarungan para sa namasaker nilang mga kasamahan sa media at mga inosenteng sibilyan, nagpakalbo ang ilang mga kasaping photographer ng Philippine Center for Photojournalism (PCP) sa harap ng tanggapan ng Department of Justice sa Maynila sa kanilang paggunita sa unang taong anibersaryo ng Ampatuan massacre.

“Intentionally, ginawa namin ito sa harapan ng tanggapan ng DOJ upang iparating ang mensaheng naiinip kami sa napakabagal na pag-usad ng kaso at nais naming maparusahan na sa pinakamabilis na panahon ang mga may sala sa brutal na pagpatay sa aming mga kasamahan sa media at sa mga inosenteng sibilyan,” pahayag ni Joan Bondoc, kasalukuyang chair ng PCP at senior photographer ng Philippine Daily Inquirer.

Kabilang din sa mga nagpakalbo ay si Joe Haresh Tanodra, kasalukuyang presidente ng Press Photographers of the Philippines Aklan-Boracay Chapter na walang kiming pinatabas ang kanyang buhok na pinahaba niya at inalagaan ng mahigit 20 taon.

Ayon kay Tanodra, hindi niya pinanghihinayangan ang pagkawala ng kanyang buhok maiparating lamang ang panawagan na mabigyang hustisya ang karumal-dumal na pagpatay sa mga inosenteng sibilyan at sa kanyang mga kaibigan na kabilang sa mga biktima ng Ampatuan masaker.

“Si Ian Subang ay brod ko sa Ananda Marga yoga habang si Bong Reblando ay isa sa mga maikokonsidera kong matalik na kaibigan sa industriya, nakasama ko sa napakaraming coverages sa halos 23 taon kong pananatili sa industriya,” ani Tanodra.

Ayon sa PCP, isa lamang sila sa mga grupo ng media kasama ang maraming sektor na mahigpit na nakatutok at nakaantabay sa magiging takbo ng kaso. Kabilang din ang PCP sa mga petitioner para sa ‘live media coverage’ ng pagdinig sa korte.

Sa 196 na suspek sa masaker, 82 pa lamang ang naaaresto kabilang ang major suspect sa krimen na si Andal Ampatuan, Jr., kanyang amang si Andal Sr. at ilang pa nilang mga kamag-anak.

“Hiling namin ang kagyat na pag-aresto sa lahat ng mga suspek dahil 114 sa mga ito ang hindi pa rin nahuhuli, mabilis na pag-usad ng kaso at ang pagpapataw ng pinakamabigat na parusa sa kanila na kumitil sa maraming inosenteng buhay sa ngalan ng politika,” pagtatapos ni Bondoc. Carol Claudio

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply