GANTI (Ika-33 Labas)

ANUMAN ang sabihin ng parents ni Rowena, hindi na komontra ang dalawa.

Guilty kasi sila.

Matapos silang pangaralan, pinahintulutan na rin sila na magpakasal.

Nagpasalamat ang binata at nangako na isang araw ay isasama niya ang mga magulang para kumpletuhin ang kanyang pamamanhikan.

Hindi na siya inihatid ni Rowena sa pintuan.

Hirap kasi siyang maglakad.

Nang makasakay sa kanyang kotse, plano ng binata na dumeretso na ng uwi.

Pagod siya at gusto na ring magpahinga.

May sinusundan siyang kotse na tila nagmamadali rin sa pag-uwi.

Humahagibis ang takbo nito …

Kitang-kita niya nang isang matandang babae ang masagi nito pero hindi tinigilan.

Naawa si Bogart sa babae …

Tinigilan niya ito at tinulungang makatayo.

“Kumusta na ang pakiramdam mo, lola? Nasaktan po ba kayo? Dadalhin ko kayo sa ospital,” alok ng binata.

“H-Huwag na, anak. Hindi naman ako napuruhan. Nasagi lang ako nang konti kaya natumba,” sagot naman ng matandang babae.

“Ihahatid ko na lang po kayo pauwi,” pilit na prisinta ni Bogart.

Napilitan tuloy magpaunlak ang biktima.

Maliit lang ang tinitirahan ng matandang babae.

Mas malaki lang sa barung-barong.

Pero malawak ang bakuran nito na punong-puno ng tanim na mga halamang hindi kilala ni Bogart.

Pagbungad nila sa pintuan ng bahay, isang dalagita ang hangos na sumalubong sa matandang babae.

Sinabi ng binata ang nangyari.

“Ikaw kasi, lola. Hindi mo kasi ako hinintay. Mahirap na para sa iyo ang lumakad na mag-isa,” nag-aalaalang sabi ng dalagita.

“Huwag ka nang mag-aalaala dahil wala namang nangyari sa akin. Ikuha mo na lang ng maiinom ang bisita natin na nagmalasakit sa akin,” utos naman ng matandang babae.

Mabilis na humangos ang dalagita patungo sa malapit na sari-sari store para ibili ng softdrinks si Bogart.

Sa loob ng bahay, saglit na naupo sa kahoy na upuan ang binata.

Patingin-tingin sa mga payak na loob ng bahay.

Nang may mapuna siyang mga larawan na nakasabit sa dingding.

Tumayo siya at sinipat ng tingin ang mga ito.

Nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita …

Kabilang sa isang group picture ang kambal na sina Aling Pilar at Aling Dolores.

Bigla siyang napatingin sa matandang babae na patuloy pa ring naghihimas ng nasaktang binti.

“L-Lola, nakalimutan kong itanong ang pangalan ninyo. Ano nga ho pala ang pangalan mo?” magalang na tanong ng binata.

“Agueda … kilala ako sa lugar na ito sa tawag na Lola Agueda!” sagot naman ng matandang babae.

Hindi maintindihan ng binata kung bakit parang may kilabot na humaplos sa kanyang balat matapos malaman ang pangalan ng una.

“Ano ho pala ang trabaho ninyo?” tanong pa ni Bogart.

Nag-angat ng mukha ang matandang babae at tumingin sa binata.

“Isa akong albularya na may kakayahang magpagaling ng mga sakit. Marunong din akong gumamot sa mga nakukulam at marunong din akong mangkulam kung kinakailangan,” pormal na tugon ni Lola Agueda.

Nagkaroon ng kumpirmasyon ang kutob ng loob ng binata.

Kaya pala maraming iba’t ibang uri ng halaman ang nakatanim sa malawak na bakuran ng bahay nito.

Gamit niya ang mga ito sa panggagamot at pangkukulam.

“Ang mga nasa larawan kung saan ay kasama ka, sino po sila?” turo niya sa group picture ng kambal na Aling Pilar at Aling Dolores.

“Mga estudyante ko sila!” maikling tugon ni Lola Agueda.

Natigilan si Bogart …

Napatunayan niyang hindi pala isang ordinaryong matanda lamang ang kaharap niya. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply