GANTI (Ika-34 Labas)

PARANG gustong matakot ni Bogart kay Lola Agueda matapos malamang siya ang guro sa sorcery ng kambal na mangkukulan na sina Aling Pilar at Aling Dolores.

Bigla siyang nagbaba ng tingin para hindi makilala ng matandang babae.

Baka kasi oras na malaman nito na kabilang siya sa humalay kay Alexandra at isa sa naging dahilan ng kamatayan ng kanyang ina  ay magalit ito sa kanya at gantihan siya.

Nagulat si Bogart nang mag-angat ng mukha …

Nakita kasi niyang walang kurap na nakatingin sa kanya si Lola Agueda.

“B-Bakit po, lola?” kinakabahang tanong ng binata.

“Nararamdaman ko, alam mo kung ano ang kulam at nakakaintindi ka kung paano ito gamitin,” pormal na sabi ng matandang babae. “Sino ang nagturo sa iyo.”

Biglang pinanuyuan ng laway si Bogart dahil sa tanong na iyon.

Pero sinabi pa rin niya ang totoo.

“S-Si Aling Dolores po!” aniya.

Biglang napaangat ang ulo ng matandang babae dahil sa  narinig.

Biglang nagkuwento si Lola Agueda.

“Malayo sila sa isa’t isa. Mabait at makatwiran si Pilar pero malupit at walang patawad si Dolores. Ginagamit niya ang kanyang kapangyarihan sa pagkita ng pera, samantalang pagtulong sa mahihirap at nangangailangan ang prayoridad ng kanyang kakambal.”

“S-Sino po sa kanilang dalawa ang magaling na mangkukulam?” naisipang itanong ni Bogart.

“Si Dolores!” walang gatol na tugon ni Lola Agueda. “Madali  siyang matutuo kaysa kanyang kakambal pero tuso.

Alam ko kung bakit tinuruan ka niyang mangkulam. Para paghigantihan, binata.”

“H-Hindi ko po kayo maintindihan!”

Short cut ang naging paliwanag ng matandang babae.

“Sasapitin mo rin ang sinapit ng kanyang kakambal. Magagalit sa iyo ang mga tao at susunugin ka rin nila nang buhay!”

Nangilabot si Bogart sa sinabi ni Lola Agueda.

“P-Parang may alam kayo sa buhay ko?” sabi ng binata.

Ngumiti ang matandang babae bago sumagot.

“Dati kang kabilang sa isang masamang barkada kung saa’y patay na silang lahat at ikaw na lang ang natitira.

Pinatay sila ng kulam ni Pilar bilang ganti sa pagsasamantala ninyo sa kanyang anak na naging dahilan ng kanyang kamatayan. Nakalibre ka dahil natuto kang lumapit at humingi ng tawad sa Dakilang Lumikha. Sa kabila nito, hindi mo natakasan ang paghihiganti ni Dolores. at inilalapit ka niya ngayon sa galit ng mga tao, ” sagot ng matandang babae.

Naliwanagan ni Bogart ang ibig sabihin ni Lola Agueda.

Oras na malaman ng mga tao na isa siyang mangkukulam, magkakaisa sila laban sa kanya.

Bibihagin siya at itatali sa isang tulos saka susunugin nang buhay gaya nang ginawa nila kay Aling Pilar.

“Hindi ko gustong gamitin ang taglay kong kapangyarihan sa pamiminsala ng kapwa. Tulungan mo ako, Lola Agueda,” pakiusap niya sa matandang babae.
“Tutulungan kita kung matuto kang lumaban kay Dolores,” walang gatol namang tugon ng huli.

“Pero ano ang laban ko sa kanya?” tanong ni Bogart.

“May kasabihan tayo na “Walang maliit na nakahihirin at walang malaki na nakapupuwing.” Hindi ka na pangkaraniwang nilalang binata. May kapangyarihan ka na. Tulad sa isang halaman, magagawa mo itong payabungin depende sa pagsisikap mo,” pagtatapos naman ni Lola Agueda sa kanilang usapan.

Nang maramdaman ni Bogart na ayaw nang makipag-usap ng matandang babae, nagpaalam na siya.

Ang apo nitong dalagita ang naghatid sa kanya patungo sa kinapaparadahan ng kanyang kotse.

“Ano ang pangalan mo, nene?” naisipang itanong ni Bogart bago sumakay sa kanyang kotse.

“Helen po,” magalang nitong tugon.

“Marunong ka na ba ng witchcraft?”

“Marunong na po. Tinuturuan ako ni Lola Agueda. Wala kasi siyang pamamanahan ng kanyang kapangyarihan kundi ako,” nakangiti naman nitong tugon.

“Puwede ba kitang maging kaibigan?” tanong pa ni Bogart.

“Bakit naman po hindi?” nakangiti nitong tugon.

“Paano kita makokontak?”

May cellphone ang dalagita.

Nagpalitan ng number ang dalawa.

“Mukha siyang mabait. Kung pagdadamutan ako ng tulong ni Lola Agueda, palagay ko’y hindi ako titikisin ni Helen,” sabi ni Bogart sa sarili habang nagbibiyahe. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply