GANTI (Ika-37 labas)

ISANG babae na nakabelo ng itim ang nakatayo sa labas ng simbahan.

Nakilala ito ni Bogart nang humarap sa kanya …

Ang mangkukulam na kapatid ni Aling Pilar.

Tumigil ang lalaki sa tabi ng babae.

“P-Paano mo nalamang kasal ko ngayon, Aling Dolores?” takang tanong ni Bogart.

Gumuhit sa mga labi ng babae ang makamandag na ngiti.

“May imposible ba sa isang tulad natin, Bogart? Hindi mo kasi ginagamit ang iyong kapangyarihan kaya hindi mo nalalaman ang darating nang hindi mo inaasahan,” sagot ni Aling Dolores.

No choice ang binata kundi imbitahan na ang babae.

“Maraming pagkain sa reception. Makisakay na lang kayo patungo rito,” sabi ni Bogart.

“Hindi ko kailangan ang pagkain. Ang importante sa akin ay makilala ang maganda mong napangasawa,” sagot ni Aling Dolores habang nakatingin kay Rowena.

Atubili namang ngumiti ang bridesmaid.

Saglit lang at walang imik na lumayo na si Aling Dolores.

Sumakay na naman ang bagong kasal sa bridal car.

“Sino ba ang babaeng iyon? Parang tumatayo ang mga balahibo ko sa kanya,” sabi ni Rowena kay Bogart habang sila ay nagbibiyahe.

“Hindi ko rin siya kilala,” pagkakaila ng lalaki.

“Pero bakit mo siya kinausap?”

“Kilala ko siya sa mukha pero hindi alam ang kanyang pangalan. Dumalo siya sa ating kasal kaya natural lang na kausapin ko siya.”

Hindi na nagtanong pa si Rowena.

Hanggang sa makarating sila sa otel na pagdarausan ng reception.

Isang masaganang salo-salo ang nangyari …

Kasunod nito ang maikling programa kabilang ang pagpapakawala sa dalawang puting kalapati mula sa hawla.

Pero nang pakawalan na ang dalawang kalapati, nagulat ang lahat nang maging uwak ng mga ito …

Panay ang huni na nagpaikot-ikot sa paglipad sa loob ng reception hall ang dalawang ibon bago lumabas ng bintana at tuluyang nawala.

Takang-taka ang mga tao …

May hindi naiwasang magimbal …

“P-Paano naging uwak ang mga kalapati?” takang tanong ng isa.

“Hindi ko rin maintindihan,” sagot naman ng kausap.

Pulang-pula ang mukha ni Bogart.

Alam niya, may sumabotahe sa araw ng kanilang kasal.

At sino pa ba ang kanyang paghihinalaan kundi si Aling Dolores?

Saglit na nakalimutan ng lahat ang nakakagulat na pangyayari nang dumating ang paghahagis ng boquet ng bridesmaid.

Agawan sa puwesto ang mga abay …

Pero laking pagkagimbal ng lahat nang ang bulaklak na inihagis ni Rowena ay naging ahas …
Sigawan sa takot ang mga abay habang kagulong nagtakbuhan naman palayo ang mga bisita na dinaanan sa pagtakas ng makamandag na ahas.

“A-Ano’ng kalokohan ito?” galit na tanong ng ama ni Bogart.
“Hindi ko rin alam, Dad,” lumong tugon naman ng huli.

Sa puntong ito mabilis na lumapit kay Bogart si Helen.

May ibinulong …

“Ang babae na nakabelong itim, isa siyang mangkukulam. Malakas ang kutob ko na siya ang may pakana sa kaguluhang sa araw ng iyong kasal, kuya,” aniya.

“Ganyan din ang kutob ko,” tiim-bagang na tugon naman ni Bogart.
Nang isa-isang mamatay ang mga ilaw …

Sigawan ang mga tao …

Mabilis namang ginamit ni Bogart katulong si Helen ang kanilang kapangyarihan para ma-restore ang nawalang liwanag.

Karaka namang bumalik ang liwanag.

Pero isa-isang nag-alisan na ang mga tao.

Hindi nila kayang tagalan ang malagim na nasaksihan sa araw ng kasal nina Bogart at Rowena. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply