GANTI (Ika-41 labas)

PULOS buhangin ang buong katawan at duguan partikular ang pinakaiingatang kayamanan ni Rowena.

Iniwan itong durog at wasak ng anim na manyak.

Halos madurog ang puso ni Bogart sa matinding habag sa asawa.

Buhay pa ang babae pero pahina na nang pahina ang tibok ng puso.

Walang sinayang na sandali ang dalawa.

Magkatulong nilang binuhat si Rowena at isinakay sa kotse.

Isinugod sa pinakamalapit na ospital.

Mabilis namang inasikaso ng dinatnang mga doktor at nars ang biktima.

Nagtagal siya sa operating room.

Umiiyak si Bogart habang umuusal ng dasal.

Hinihiling niyang sana’y mabuhay ang asawa.

Pangako niyang anuman ang sinapit ni Rowena, hindi siya magbabago.

Mamahalin pa rin niya ang asawa kahit ano pa ang nangyari sa kanya.

Tahimik lang si Helen …

Nakatungo …

Pailing-iling …

Hindi naman nagtagal at lambot na lumabas na ang doktor na nag-opera kay Rowena.

Malungkot na nilapitan niya si Bogart.

“S-Sorry, mister,” aniya sa mahina pero malinaw na tinig. “Ginawa na naming lahat ang aming magagawa pero hindi namin naisalba ang buhay ng iyong asawa.”

Nagtiim ang mga bagang ni Bogart tapos ay galit na naisuntok ang nakakuyum na kamao sa kaliwang palad.

Napuno ng pighati ang umaga sa tahanan nina Bogart nang dumating ang malagim na balita.

Patay na si Rowena.

Namatay siya matapos pagsamantalahan ng anim na kalalakihan na pawang hayok sa laman.

“P-Paano nangyari iyon? Akala ko ba’y magkasama sina Bogart at Rowena sa kanyang kuwarto at nagha-honeymoon?” luhaang tanong ng mother ni Bogart.

“Hindi ko rin maintindihan kung bakit napunta sila sa Cavite,” tiimbagang namang sabi ng asawa.

Hindi makausap si Bogart sa oras ng burol ng asawa.

Punong-puno ng galit ang kanyang mukha …

Nagbabanta ng paghihiganti.

Si Helen na ang nagpaliwanag sa mga magulang ni Bogart kung ano ang nangyari sa kanilang manugang.

Ang mga dumalo sa kasal ng dalawa, muling nagdatingan sa burol ni Rowena.

Nalalagim at hindi makapaniwala …

Kahapon lang kasi, dumalo sila sa kasal ng dalawa …

Ngayon nama’y burol ng bride ang kanilang pinuntahan.

Usap-usapan nila ang naganap sa reception kahapon.

“Hindi magandang pangitain nang maging uwak ang mga puting kalapati tapos ay biglang naging ahas ang boquet ng mga bulaklak na pinag-agawan ng mga abay,” sabi ng isang matandang babae.

“Tama ka! At naniniwala ako na malaki ang koneksiyon nito sa sinapit ni Rowena ngayon,” sagot naman ng kausap.

“Kawawa naman si Rowena. Kawawa rin ang mister niya dahil ang agang nabiyudo,” pailing-iling namang sabi ng isang matandang lalaki.

Tahimik na nakatayo si Bogart sa tabi ng kabaong ng asawa …
May binitiwan siyang matiim na pangako.

“Hindi ko puwedeng ipagwalang bahala ang sinapit mo, asawa ko. Mananagot ang mga asal-hayop na lumapastangan sa iyong kapurihan. Alam kong may kinalaman si Aling Dolores sa sinapit mo kaya kasama siyang mananagot,” sumpa ni Bogart.

Samantala, nasa kanilang hang-out na ang mga lumapastangan kay Rowena.

Hindi mapalagay …

Balisa …

“Ngayon lang ako kinabahan nang ganito. Bakit kaya?” takang tanong ni Morgan sa mga kasamahan.

“Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Parang natatakot ako pero hindi ko naman alam kung ano ang dapat kong katakutan,” sagot naman ni Jordan.

“Hindi kaya may kinalaman ang babaeng naglalakad nang tulog na inabuso natin sa nangyayari sa atin ngayon?” sabi naman ni Morgan. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply