Gas leak sa Makati kumalat na – eksperto

KUMALAT na sa iba pang lugar ang kontaminasyong dulot ng gas leak na nagsimula sa West Tower Condominium sa Brgy. Bangkal, Makati City.

Ito ang kinumpirma nitong Linggo ni Dr. Carlos Arcilla ng National Institute of Geological Sciences ng University of the Philippines.

Ayon kay Arcilla, kontaminado na rin ng gas leak ang kabilang kalye ng Osmeña Highway sa nasabing siyudad.

Ang tagas ng langis ay nagmula sa nasirang pipeline ng Lopez-controlled First Philippine Industrial Corporation (FPIC).

Ininspeksyon nitong Linggo ng grupo ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang condominium upang alamin ang lawak ng pinsala ng gas leak. Si Zubiri ang chairman ng Senate Committee on Environment and Natural Resources.

Tumatagas ang may 2,000 litro o 18 drums ng petrolyo sa condominium araw-araw.

Tinitingnan pa rin ng grupo ni Arcilla ang eksaktong lawak ang kontaminasyon mula sa lugar kung saan natagpuan ang nasirang pipeline.

Nais ring matiyak ni Arcilla na wala nang iba pang tagas ang nasabing pipeline na dinadaanan ng petrolyo mula Batangas patungong Metro Manila.

Samantala, posibleng magsagawa sina Zubiri ng isa pang imbestigasyon ukol sa insidente.

Balak din ni Zubiri na ipasumite sa Shell at Chevron ang kanilang delivery reports upang malaman kung ilang litro ng petrolyo ang nawala sa kanilang stocks.

Kung maisusumite agad ng Shell at Chevron ang hinihinging dokumento ng komite ni Zubri, hindi na kailangan pang magsagawa ng isa pang hearing, ayon sa senador.

May kontrata sa pipeline na pag-aari ng FPIC ang dalawang kumpanya ng langis.

Napakalaking halaga ng salapi ang kailangang gugulin bago tuluyang malinis ang gas leak na patuloy na kumakalat, ayon kay Zubiri.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply