Gimik sa park

Natuwa ako sa mga balita na gagastusan daw ng malaking halaga, tumataginting na P500 million, ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapaganda at pag-improve at pag-develop pa ng Ninoy Aquino Parks and Wildlife Nature Center (NAPWC) sa Quezon City para gawin itong isang “world-class” ecotourism site.

May balita din na pagtutuunan ng pansin at lalagyan din ng budget ang pagpapaganda pa sa Luneta, ang national park ng Pilipinas.

Every city has a great park, sabi nga. Ang New York, may sikat na Central Park na naging inspirasyon ng maraming mga pelikula mga tula at mga kanta.  Sa Chicago, may Lincoln Park, at dito nga sa atin ang Rizal Park o Luneta Park na sinasabing isa sa pinakamalaking park sa buong Asya.

Sa aking henerasyon, marami ang may magagandang alaala ng pagpasyal sa Luneta.  Noong bata ako, madalas ako ipasyal ng lola ko sa Luneta at paborito ko maglaro sa isang sementadong padulasan na malapit lang sa grandstand.

Wala pang mga naglalakihang mall noon kaya uso pa at talaga namang super treat sa pamilya ang mga picnic sa park.  Maraming nabibiling mga pagkain at mga laruan at maraming mga tao ang masayang namamasyal din.

Pero pinakamahalaga, at pinakamasaya ang bonding ng pamilya, sabay-sabay kumakain sa damuhan at walang puknat ang takbuhan ng mga bata at kwentuhan naman ng mga matatanda.

Ngayon iba na ang hilig ng mga bata at bihira na sa kanila, kung meron pa man, ang nagyayaya na pumunta sa park para maglaro at mag-picnic. Hindi naman masama ang pasyal sa malls pero mas mainam din na mamulat ang mga bata sa gimik sa mga parks at maging bukas ang mata nila sa ecology at nature appreciation na mas nakukuha sa mga parks.

Sa QC noong panahon ni Mayor Sonny Belmonte priority ang pag-develop ng mga parks sa palibot ng lungsod.

Kaya naman todong pinaganda ang Quezon Memorial Circle at maraming mga open spaces ang ginawang parks at ang ibang mga lumang parks ay pinaganda kagaya na nga ng Bernardo Park sa likod ng Ramon Magsaysay High School sa EDSA.

Noong Konsehal pa ako may mga proyekto rin tayo ng park development katulad ng sa barangay Doña Imelda.

Sigurado ako na ang kasalukuyang administrasyong lokal ng QC at ang national government ay pagtutuunan ng pansin ang pag-develop pa ng mga parks sa buong bansa.

Sa mga magulang, sana ay buhayin natin ang interes ng kabataan sa pamamasyal sa mga parks. Mas maraming pagkakataon na mas tataas ang antas ng critical thinking ng mga bata at social awareness kung hindi lagi sa mall natin sila binababad.

Sa mga parks tulad ng sa QC Circle at sa NAPWC ma-e-engganyo ang mga bata na magtanong at mag-isip ng tungkol sa mga historical significance ng mga lugar na ito at,  ang relevance nito sa buhay ng isang tao, kasabay nun, ay mas magkaka-interes sila sa kalikasan at, kung sa Circle, may mga fun games din naman at maraming healthy physical activities pa.

Planuhin natin bilang pamilya na bumisita sa mga parks na malapit sa atin, mas murang gimik na, educational at enjoyable pa.  At ang mas mahalaga sa lahat, kung sa park ang bonding ng pamilya, mas epektibo at lahat ng myembro ay totoong ma-re-relax.

Tara nang gumimik sa mga parks.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Ariel Inton

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply