Nationalization ng bus companies tinutulan

MAHIGPIT na tinututulan  ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) ang plano ng gobyernong nationalization ng bus companies upang maibsan ang matinding trapiko sa bansa.

Ayon kay PBOAP President Homer Mercado, kung papayag ang pamahalaan sa nasabing pag-take-over sa pamamahala sa mga bus companies, malamang na pagmulan ito ng mabigat na suliranin sa hanapbuhay ng mga driver.

Inihalintulad rin ni Mercado sa Marcos administration ang nais isinusulong na panukala ni Senador Vicente “Tito” Sotto at nangangamba siyang baka magdulot lamang ito ng labor problems.

Matatandaang nais ng senador na pairalin na lang ang government take-over dahil sakop rin aniya ng public service ang pampublikong transportasyon.

Kaugnay namang sinabi ni Nelson Laluces, chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na posibleng i-take over ng gobyerno ang operasyon ng mga pampasaherong bus sa Metro Manila.

Ayon kay Laluces, nakasaad sa batas na pwedeng i-takeover ng gobyerno ang mga bus company lalo na kung mapatunayan na wala silang sinseridad na patakbuhin ang negosyo.

Pero nilinaw naman ni Laluces na hindi pa ito ang pinal na solusyong nakikita ng LTRFB at Department of Transportation and Communications dahil nakatutok pa rin sila sa pagpapatupad ng number coding.

Sisikapin nila na maayos ang gusot gaya ng kagustuhan ni Pangulong Benigno Aquino III upang hindi na lumala ang problema. Johnny F. Arasga

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply