Hindi si Sigfrid ang akusado

Dalawang sikat na tao ang nagpahayag kamakailan na gusto nilang maging abogado ang Filipino boxing icon na si Manny Pacquiao at ang sikat sa buong mundo na Filipino singer na si Charice Pempengco.

Ang dalawang ito ay mga Filipino na parehong nagbigay ng karangalan sa Pilipinas. Para sa kanila at sa maraming Filipino isang malaking karangalan din ang maging abogado.

Mahirap ang maging abogado. Walong taon na mag-aaral, tapos review para sa bar examinations at pagkatapos ay ang mismong pagsusulit para sa bar  na sinasabi na isa sa pinakamahirap na professional examinations sa buong mundo.

Humigit-kumulang na 20 taon na mula nang maging abogado ako. Sinundan ko ang yapak ng aking ama at dito ko lang nalaman na mas mahirap na mapanatili ang pagiging abogado kasya ang mag-aral at pumasa para maging abogado.

Lubhang mahigpit ang legal ethics ng mga abogado. May tinatawag pang Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) na dapat i-accomplish kahit abogado ka na. Parang habang buhay na pag-aaral talaga.

Kaya naman nakuha ang aking atensyon ng balita tungkol sa mga nagpahayag na dapat daw tanggalan ng lisensya bilang abogado o i-disbar si Atty. Sigfried Fortun, ang abogado na nagtatanggol sa mga Ampatuan sa kaso ng tinatawag na Maguindanao massacre.

Mula pa noong una ay marami na ang kumwestyon kung bakit idinidepensa ni Atty. Fortun ang mga Ampatuan na pinaniniwalaan na utak sa nangyaring karumal-dumal na pagmasaker sa 58 na tao, kabilang ang 34 na myembro ng media sa Maguindanao isang taon na ang nakalilipas.

Pero sa batas ang isang akusado ay inosente hangga’t hindi napapatunayan na siya ay guilty beyond reasonable doubt.  Kailangan muna ang masusing paglilitis at kapag hindi napatunayan ng mga matatatag na ebidensya ang kasalanan ay maaaring ma-abswelto o mapawalang-sala pa ang isang akusado.

Iyan ang batas, iyan ang demokrasya ng hustisya. At dito mabigat ang obligasyon ng mga abogado. Ang defense lawyers na katulad ni Atty. Fortun sa mga kaso katulad ng sa mga Ampatuan ay madalas kontrabida sa mata ng marami.

Pero isang abogado si Sigfrid Fortun at tungkulin niya na ibuhos ang kanyang husay bilang isang defense lawyer para ipagtanggol ang kanyang kliyente, sino man ito, at basta ayon sa nasasaad at panuntunan ng batas ng Pilipinas.

Hindi si Sigfrid Fortun ang nililitis dito, kundi ang mga akusado. Hindi makatarungan na husgahan ang pagkatao ni Atty. Fortun dahil lang ibinibigay niya ang kanyang galing para sa akusado na ang pangalan ay Ampatuan.

Sa kabilang banda, makikipagtagisan ng talino si Sigfried sa mga abogado naman ng prosecution na kailangan ding ibuhos ang lahat ng kanilang galing sa larangan ng batas para mapatunayan, beyond reasonable doubt na ang may kasalanan at ang dapat managot sa nangyaring masaker ay ang  mga akusado.

Malaking hamon din para sa maghuhusga sa kaso na si Judge Jocelyn Reyes na hindi maapektuhan ang kanyang desisyon ng napaka-ma-emosyonal na mga opinyon ng sambayanan tungkol sa kasong ito.

Ang hustisya ay base sa ebidensya, hindi sa ma-emosyong mga opinyon. Kaya kung maging abogado man si Pacman o si Charice at hawakan nila ang kaso tulad ng krimen sa Maguindanao, ang dapat malinaw, abogado sila, hindi akusado.

Hindi si Sigfrid Fortun ang utak ng masaker sa Maguindanao, siya ay abogado ng mga akusado at hindi ang akusado.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Ariel Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply