Hirit na special court sa Ampatuan massacre case pag-aaralan ng SC

BIBIGYAN nila ng pansin at pag-aaralan ng ng Korte Suprema ang hirit na magtalaga ng special court na hahawak sa Maguindanao massacre case.

Ayon kay Court Administrator at Supreme Court Spokesperson Midas Marquez, natanggap na nila kahapon ang petisyon para sa hirit na special court at pag-aaralan pa ito ng mataas na hukuman.

Una nang hiniling ng mga media organization sa Korte Suprema na gawing special court ang sala ni Quezon City Regional Trial Court (QC-RTC) Judge Jocelyn Solis-Reyes kung saan ang tanging kasong diringgin nito ay ang Maguindanao massacre kung saan 57 indibidwal ang pinatay kabilang ang 30 miyembro ng media.

Sinabi ni Marquez na binigyan na nila dati si Reyes ng assisting judges para matutukan niya ang kaso sa Maguindanao massacre at ang assisting judges na lamang ang aasikaso sa iba pang kasong hinahawakan nito.

Kinumpirma naman ni Marquez na kasama sa agenda sa en banc session ngayong araw ng Korte Suprema ang hirit na live media coverage sa paglilitis ng Maguindanao massacre.

Pinasama na aniya ni Chief Justice Renato Corona sa tatalakayin sa en banc session ang petisyon ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) para sa hirit na live media coverage.

Nilinaw naman ni Marquez na posibleng hindi muna madesisyunan ngayong araw ng mga mahistrado ang tungkol sa live media coverage dahil kailangan pang kunin ang komento ng iba pang isinasangkot sa kaso.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply