Holdaper na nag-onsehan, 1 patay, 2 sugatan

Isa ang patay habang dalawa pa ang sugatan makaraang mamaril ang hindi nakilalang lalaki sa isang holdapan na naganap sa Navotas Fish Port Complex, kamakalawa ng madaling araw, sa Navotas City.

Kinilala ni Supt. Nepumoceno Corpus ang namatay na si Danilo Sevilla, 30 anyos, walang trabaho, residente ng Everlasting San Roque;  samantala kinilala ang dalawang sugatan na sina Romeo Mendoza, alyas “Burnok”, nakatira sa Phase 2, Area 2, at testigo na si Danilo Aspiras.

Base sa imbestigasyon ni Sr. Insp. Voltaire Rivera, nagtutulak ng push cart na naglalaman ng pitong banyera ng isda si Jerry Subeda, 33 anyos, fish dealer, may asawa, nakatira sa Sitio Puting Bato, Navotas City nang lapitan ng tatlong suspek.

Pilit kinukuha ng mga suspek ang mga isda na nagkakahalagang P14,000 mula sa biktima subalit tumangging ibigay kaya  sinaksak ng isa sa mga ito na tinamaan sa katawan at mabilis na isinugod sa Dr.Jose Reyes Memorial Hospital.

Matapos ang insidente ay agad na nagsitakas ang tatlong suspek, subalit makalipas ang ilang oras ay namataan ng mga istambay duon na tila nag-aabang ng panibagong mabibiktima.

Agad na inireport ng mga concern citizen sa PNP-NCR Maritime Group ang presensya  ng mga suspek sa loob ng NFPC kaya agad na nag-deploy si Corpus ng walong tauhan na pinamunuan naman ni Capt. Rivera para magresponde.

Nakarinig ang mga otoridad ng dalawang putok ng baril kung saan patay na si Sevilla na may tama sa leeg. Agad na inaresto ang suspek.

Sa follow up investigation ay lumabas na nagka-onsehan sa partihan ng ninakaw ang tatlong suspek kaya’t ang isa sa mga ito na nakamotorsiklo at hindi pa nakilala ang mismong bumaril sa dalawang kasamahan at tinamaan naman ng ligaw na bala ang testigong si Aspiras.

Nagtataka naman ang mga lehitimong fish dealers kung bakit nakapasok sa loob ng NFPC ang suspek na armado ng baril, samantalang ang main gate ay natatanuran ng mga tauhan ni Security Chief Boy Catipay na naniningil pa ng tatlong piso sa bawat sasakyan na pumapasok.  (Jun Samson)

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply