Illegal gambling sa Camanava; bold show sa Pasay City

AKTIBO na naman ang mga kilalang gambling lord diyan sa Camanava area (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela).

Nasabi ko ito sa inyo dahil sa sumbong ng impormante ko na wala na naman daw tigil sa kaiikot itong si PO3 Lito “Bebet”Aguas, ang sana’y pulis nguni’t naging kolektor na lang ng tong mula sa mga iligalista diyan sa Camanava.

At para kanino ang kinokolektang tong-pats ni Aguas? E di walang iba kundi para sa mga amo niya diyan sa Northern Police District (NPD) headquarters.

Ibang klase rin naman talaga itong mga pulis natin diyan sa Camanava. Tira-pasok lahat ng tirade. Basta’t pagkakakitaan, walang problema kahit iligal ang pagmumulan.

Balita ko ay tinatawanan lang ng mga opisyal ng NPD ang “One Strike” policy kontra illegal gambling ni PNP chief General Raul Bacalzo dahil alam nila na patong din umano ito noon sa jueteng.

General Bacalzo, mukhang naliliitan sa inyo itong mga pulis n’yo sa NPD! Balasahin n’yo nga muna sandali ang mga ito para matauhan!

Kaya pala lahat ng bumangka sa illegal gambling sa Camanava ay tuwang-tuwa dahil  todo-bigay ang pangungunsinti ng NPD. Hindi naman magkakaganito siyempre kung hindi ka-partner ng mga pulis sa kolokohan ang mga lokal na opisyal partikular ang mga alkalde sa nasabing lugar.

Katulad na lang halimbawa ng dalawang mataas na opisyal sa lungsod ng Caloocan na kapwa kumpirmado na bangka ng illegal numbers game!

Mukhang libre-sona ngayon ang Camanava. Alam kaya ito ni DILG Secretary Jesse Robredo?

Tutumbukin natin sa susunod ang pinansyer o bangka ng illegal gambling diyan sa Camanava area!

Abangan!
oOo

Tigil ang bold shows ngayon sa Pasay City dahil na rin sa mahigpit na tagubilin ni Mayor Tony Calixto.

Pero sa kabila ng utos ni Mayor Tony, may dalawang club sa lungsod ang sadyang nagpapakita ng katigasan.

Ang mga ito ay ang Vocano KTV Bar, na matatagpuan sa Libertad Extension, at ang Wild River na makikita naman sa Edsa Rotonda, Pasay City.

Ang dalawang club, na parehong pag-aari ng isang negosyanteng Intsik, ay lantaran kung magpalabas ng bold shows. Bukod pa rito ang patagong raket sa bar fine at “gimik” sa loob ng mga VIP room.

Malakas daw ang loob ng may-aring Intsik na magpa-bold show lalo na sa Vocano dahil isang kawani ng Pasay City Hall daw ang sinasabing padrino nito.

Aba, kung sinuman ang kawaning ito ng City Hall ay tiyak na malilintikan kay Mayor Tony. Ayaw ng alkalde ang bold shows. Sa katunayan, payo nga niya sa mga club owner sa lungsod na variety shows na lang ang gawing paraan sa pag-entertain ng mga guest nila.

Sa pagkakaalam ko, nagpalabas na si Mayor Calixto ng closure order laban sa Vocano pero mukhang nagkaroon ng “hokus-pokus.”

‘Yan din ang dahilan ng konting galit ni Senior Supt. Napoleon Cuaton, ang hepe ng Pasay City police, na nagrekomenda kay Mayor Calixto na ipasara ang Vocano matapos ang isinagawa nilang raid kung saan nabuking ang iligal na operasyon ng nasabing club.

Kung paano nagkaroon ng “hokus-pokus” sa closure order ni Mayor Calixto laban sa Vocano KTV bar ay kagagawan din daw ng kawani ng City Hall na lumalabas na protektor ng nasabing club.

Siyanga pala, Col.Cuaton, paki-bira mo nga pala uli itong Vocano at Wild River. Mukhang nagtitigas-tigasan sa Pasay City ang may-ari ng dalawang club na ito at walang tigil sa bold shows!

oOo

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply