Ipapalit kay Melo palaisipan pa

IPINAUUBAYA  na ng Commission on Elections (Comelec) kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang pagpili ng bagong chairman ng Comelec kasunod nang pagbibitiw sa puwesto ni Chairman Jose Melo.

Sinabi ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento, dalawa ang opsiyon ni PNoy sa oras na bumaba na sa puwesto si Melo sa susunod na taon.

Ito aniya ay ang maagang pagpili ng taong hahalili sa bababang Comelec Chairman o di kaya ay ang pagtatalaga muna ng Officer-in-Charge (OIC).

Dagdag pa ng commissioner na may sapat pa namang panahon ang pangulo na makapamili ng bagong Comelec chairman dahil mahigit dalawang buwan pa namang mananatili sa posisyon si Melo, na inaasahang bababa sa Enero 31, 2011.

Ayon naman kay Melo, alinsunod sa desisyon ng Supreme Court na ipinonente ni Justice Antonio Carpio, hindi maaaring magtalaga ng isang commissioner ng Comelec para pumalit sa kaniyang puwesto.

Ito ay nangangahulugan lamang umano na ang magiging bagong Comelec chairman ay isang outsider.

Gayunman, tiniyak naman ni Sarmiento na kahit na wala na si Melo ay hindi nila pababayaan ang mga election protest na hinahawakan nila.

Sinabi rin ng opisyal na hindi rin sila magpapabaya sa ginagawang paghahanda para sa idaraos na halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa taong 2011.

Kaugnay nito, nilinaw naman kahapon ni Melo na hindi biglaan at walang kinalaman sa kanyang kalusugan ang ginawa niyang pagbibitiw sa puwesto.

Naniniwala naman si Melo na marami pang “young blood” na nararapat at kuwalipikado upang maging bagong chairman ng poll body.

Ang termino ni Melo, 78, at dating mahistrado ng Korte Suprema ay hanggang sa 2015 pa sana matapos siyang italaga sa puwesto ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong taong 2008.  Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply