Jake Cuenca, may kampanya laban sa AIDS

KILALA ang showbiz bilang isang komunidad na mahiligin sa sex at papalit-palit ang mga katalik o kahit saan namang larangan ay maraming promiscuous.

Kaya heto si Jake Cuenca, sa kabila ng marami niyang gawain sa araw-araw lalo na at mga taping at shooting, tinanggap niya sa kauna-unahang pagkakataon ang pagganap sa isang pelikulang tinatakan na independent o indie film, ang “HIV (Si Heidi, si Ivy at si V…)” ng Exogain Productions.

“Kasi, napakaganda ng istorya at makapagbibigay ng aral sa maraming tao. Hindi namin natanggihan ng talent manager kong si Neil de Guia ang project,” wika ni Jake sa San Lazaro Hospital Amphitheater sa Avenida Rizal.

Alam ba ninyong ang mga nakaistasyon at naka-duty na mga nars at doktor sa ospital ay nabulabog at naglabasang lahat para lang makita ang kaguwapuhan at kamachuhan ni Cuenca?

Humugos silang walang paalam sa sinehan ng San Lazaro Hospital  kaya ang ginawa ng parang head nurse ay pinabalik ang mga ito sa kanilang puwesto o kung wala pa silang trabaho ay sa pinanggalingan nila sa loob ng pagamutan.

***

Kaya naniniwala si Dr. Enrique Tayag, ang opisyal na tagapagsalita ng Department of Health, na malakas ang kapangyarihan ng artista na makapagpalaganap sa mga adbokasiya ng gobyerno para sa pagpapaliwanag sa mga isyung kinakaharap ng samabayanan.

“Hindi kami nakialam sa pagpili ng mga artista dito pero may konsultasyon kami sa mga teknikal na mga bagay tungkol sa HIV at sa AIDS,” paliwanag ni Dr. Tayag.

Malaking bagay si Jake sa pagsunod ng mga mamamayan sa pagtatamo ng tamang impormasyon tungkol sa HIV/AIDS, ang HIV na ang ibig sabihin ay Human Immuno Virus at ang AIDS naman ay Acquired Immune Deficiency Syndrome.

“Naisingit ko pa nga ito sa mga hectic schedule ko like sa ginagawa ko sa ABS-CBN at sa Regal Entertainment. May pelikula kami ni Marian Rivera at kami nina Angelica Panganiban pero next year pa ‘yon,” kuwento ni Jake.

***

Mahusay si Isadora sa pelikulang “Ang Babae sa Sementeryo” ng AEI Entertainment Productions.

Papel ng ina ng namatay na anak na babae ang ginagampanan ng aktres na matagal ding nagpahinga sa showbiz dahil nagkaasawa ng isang taxi driver na ngayon ay nasa Saudi Arabia na.

“Umiyak talaga ako sa eksenang ‘yon nang kinukuwentuhan ko si Jigo Garcia na namatay ang anak ko. E, sa totoong buhay, wala akong anak. Hindi kami nagkaanak kaya ang pagkawala ng anak ko sa istorya ay talagang iniyakan ko.

“Palakpak nang palakpak si Direk (Neal ‘Buboy’ Tan) sa akin at saka ‘yong mga nanonood sa set. Kasi, naka-identify ako sa role. Matagal din pala ang exposure ko sa pelikula,” pahayag ni Isadora na kahit hindi na bumabata ay maganda pa rin.

Sa may UP Balara nakatira si Isadora kasama ang kanyang pamilya pero alam ba ninyong pinaaalis na silang mga residente roon dahil nabili na anya ng Ayala Corporation ang malawak na solar na ‘yon ng pamahalaan?

“Nagmimiting nga kami halos regularly para huwag matuloy na i-demolish agad kami. Kasi, saan kami titira lalo na ‘yong mga walang bahay? E, do’n na kami ipinanganak at lumaki. Nakuha ‘yon ng tatay ko nang nagtatrabaho pa siya sa Nawasa,” pahayag ni Isadora.

***

Mabuti at ang mga aktor na tulad nina Danny Labra, Bert Vibar, Amay Bisaya, Jess Sanchez, Gerry Roman, Jimmy Concepcion, Richard Duran, Leon Miguel at marami pang iba ay nabibigyan ng pagkakataon na makalabas muli sa pelikula ngayong bumabaha ang indie films.

Kaya nga nais na ring magprodyus ni Purita Cabauatan ng pelikula nang mapanood niya ang “Ang Babae sa Sementeryo.”

“Naku, nanguluntoy ako no’ng magkaproblema ako sa production at sa bar ko sa Timog Avenue pero ngayon, napuna mo na parang mas kontento ako dahil wala nang problema kaya parang gusto ko nang magprodyus ulit,” wika ng lady producer. Boy Villasanta

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply