Kahit sa kamatayan, Carmen Ronda hindi pinabayaan ni Rhene Imperial

MAIGTING ang pagtanggi ni Rhene Imperial, ang sikat na action star, na pinabayaan niya at ng kanilang mga anak, si Carmen Ronda bago mamatay ang aktres sa komplikasyon sa mga cancer sa breast at sa ovary.

“Hindi totoo na pinabayaan namin siya. Sinusuportahan ko siya. Binigyan ko pa siya ng bahay. At ang mga anak namin, inaasikaso siya,” matatag na pahayag ni Rhene sa isang eksklusibong panayam.

Ito ay dahil sa lumabas na balitang tumira sa ilalim ng tulay ng Mandaluyong City ang dating seksing aktres.

Sinabi ni Imperial na hindi niya desisyon na patirahin sa Mandaluyong ang kanyang dating asawa kundi pumunta ito sa isa sa kanyang kapatid na nakatira sa lugar na ‘yon.

“Hindi ko nga alam na lumipat siya sa Mandaluyong samantalang ang ganda-ganda ng kanyang tinitirhan na bahay,” sabi ng aktor.

***

Hindi ani Rhene siya binabagabag ng kanyang konsensiya sa pagkawasak ng kanilang pamilya.

“Ang naging kasalanan ko lang siguro ay ipinakilala ko siya sa mga general kong kaibigan at sa kanilang mga misis. Mula no’n, nagsimula na ang problema.

“Nagkaroon siya ng ibang pamilya. Ako naman, nagkaroon din. Pero mahal na mahal ko pa rin si Meng hanggang ngayon,” pagtatapat ni Imperial.

Sa katunayan, isang araw bago pumanaw si Ronda ay pumunta pa nang personal si Imperial sa ospital sa Davao City kung saan nakaratay sa banig ng karamdaman ang aktres.

“Pero nang makita ko siya, sabi ko na lang sa kanya, ‘Meng, magpahinga ka na, please. Sige, magpahinga ka na.’ Wala na talaga. Ibang-iba na siya, mahinang-mahina na,” pahayag ni Rhene na halos maluha-luha.

“Hinawakan ko siya sa kanyang mga kamay nang mahigpit pero umuungol na lang siya,” sabi ng lalaking bituin.

***

Nagkausap din anya sila sa cellphone mga ilang araw bago siya pumunta sa Davao City.

“Nakakapagsalita pa siya. Sabi ko, ‘Meng, I love you.’ Sabi pa naman sa akin, e, ‘hindi ako naniniwala sa’yo.’ Pero alam ko na nagbibiro lang siya dahil natawa siya nang mahina pagkatapos, e,” pagbabalik-tanaw ng action star.

Sa piling ng kanyang mga anak pumanaw si Carmen na nakilala sa mga pelikulang “Piknik” kasama sina Daria Ramirez, Ernie Garcia at Ricky Belmonte, “Kapag Tumabang ang Asin” kasama si Chanda Romero at marami pang obra.

Inilipad ang mga labi ni Carmen mula sa Davao City noong Huwebes, November 18, 2010 at dinala sa St. Peter’s sa Mandaluyong City.

Dapat sana’y iki-cremate si Ronda pero ayon kay Rhene ay bawal ito sa mga Iglesia ni Kristo.

Si Carmen ay limampu’t isang taong gulang.

***

Ang seksing aktor naman na si Aljur Abrenica ang bida nina Roland Lerum, Vivian Vivar, Maricris Nicasio at Roldan Castro sa kanilang palabas na “L To L” noong Sabado sa isang masayang palatuntunan.

Hindi nagpatumpik-tumpik si Aljur na tanggapin ang alok ng mga peryodistang pampelikulang ito na mga prodyuser.

Kahit na abala ang bituin sa kanyang mga opisyo ay hindi niya binigo ang hiling ng mga ito.

Kasama ni Abrenica sa show sina Wally Bayola, Jose Manalo, ang Mocha Girls at marami pang iba pa.

Kung saan-saan at kung kani-kanino nga nagbebenta ng tiket si Roland kabilang sina Liz Alindogan, Zeny Marcelo-Poe at iba pa.

***

Barkada ngayon sina Ian de Leon at ang orihinal na miyembro ng Masculados na si Bok Inciong.

Magkasama sila sa hirap at ginhawa ngayon lalo na at kamamatay lang ng tatay ni Bok at “depressed na depressed pa po ako.

Hindi pa ako makabawi sa loss of my dad.”

Si Ian naman ay nangungulila sa kanyang inang si Nora Aunor at sa kaabalahan naman sa showbiz at pulitika ni Christopher de Leon.

Kaya nagkakasundo sa mga lakaran sina Inciong at de Leon bukod pa sa mga negosyong kanilang pinagkakaabalahan at nakakapatay ng kanilang kaburyungan. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply