Kawanggawa

WALANG pinipiling edad at panahon ang pagkakawanggawa.  Ito’y bukal sa kalooban nang walang anumang inaasahang kapalit.

Dahil larawan ng kahirapan ang mga taong walang kakayanan na magpagamot, kumain ng tama at sapat, higit sa lahat ang kawalan ng maayos at malinis na tirahan, kaya dapat lamang na sila’y tulungan.

Ito ang pinatunayan ni Dr. Estrella Fabro, 70, isa sa Pilipinong volunteer doctor sa Tzu Chi Foundation Philippines (TCFP) mula noong 1995;  isang retiradong doktor ng ‘infectious diseases’ sa San Lazaro Hospital, Manila sa loob ng 40 taon.

Sa ika-136 medical mission ng TCFP sa Great Love Campus, Bacood, Sta. Mesa, kasabay ng pagdiriwang ng kaniyang kaarawan, itinuturing ni Dr. Fabro na  ‘fullfilment’ na tumulong sa mga mahihirap at nangangailangan.

“Sa mga napapanood at nababasa ko araw-araw, kung gaano karami ang mga Pinoy na nangangailangan ng tulong, parang kinukurot ang puso ko.  So, when my co-doctor invited me to join Tzu Chi, hindi na ako nagdalawang-isip pa,” ani Dr. Fabro.

“Kesa magpaluto ako tuwing birthday ko, mas gusto kong mag-serve na lang sa mga nangangailangan.  Kaya andito ako sa medical mission tuwing birthday ko.  Nung nalaman nga ng anak ko na doktor din, 37, na I am involved as a volunteer doctor, he promised me na pagdating niya sa Pilipinas, tutulong din siya,” anito.

136th TCFP Medical Mission

Halos nasa 2,000 ang mga pasyenteng nakinabang sa medical mission ng TCPF, kasunod ng ika-16 na anibersaryo ng foundation nitong nakalipas na Nobyembre 7, 2010.

Mula sa dental mission, kabilang ang bunot, linis ng ngipin; minor at major surgery sa emergency cases; problema sa mata; general medicine at pedia o sakit ng mga bata.

Ayon kay Ms. Carmen Sy, Chinese volunteer, ibinibigay nila sa pasyente ang ‘one cycle’ ng gamot na kailangan para matiyak na bubuti sila sa kanilang sakit.

“After 3 months na maubos ang gamot partikular sa na tuberculosis, pinababalik namin sila para sa susunod na cycle.  Sinisiguro namin na mismong ang maysakit ang umiinom ng gamot at hindi ibi-nebenta,” paliwanag ni So habang inililibot kami (media) sa 4.5 ektaryang bakuran ng foundation.

Kapansin-pansin ang disiplinang ipina-tutupad ng TCFP volunteers mula sa pagpila sa pagpaparehistro ng pasyente hanggang sa dalhin sila sa kwarto ng volunteer doctors  para sa evaluation.

Sa bawat silid para sa general medicine, pedia, minor at major surgery, makikita na rin ang mga angkop na gamot para sa pas-yente.  Hindi na iikot pa ang pasyente para hanapin kung saan kukuha ng gamot.

Sa mga ooperahan naman, agad na isinagawa ang ‘surgery’ para sa minor cases at inirerekomenda naman sa ilang hospital kung major surgery ang kaso kung saan nakabase ang volunteer doctors ng Tzu Chi Foundation Philippines.

Ilan sa mga hospital na ito ay ang Metropolitan Hospital, Cardinal Santos Hospital at Chinese General Hospital, pawang mga private hospital.

“Ang bilin kasi sa amin ni Master Cheng Yen, founder ng TCF, piliin ninyo kung anong magandang hospital ang gusto ninyo para sa inyong sarili at iyon din ang ibinigay sa mga pasyente.  Kung tutulong na rin lang tayo, tumulong na ng buong puso,” pahayag pa ni Ms. Sy sa isang simpleng vegetarian lunch na inihanda ng foundation.

Nasa 108 volunteer doctors at nurses ang nagsilbi sa halos 2,000 pasyente kasama ang 250 TCFP volunteers na binubuo ng Chinese at Pinoy.

16th anniversary

Isa na namang makasaysayang araw ang ginunita ng TCFP noong November 7,    2010 sa patuloy na pamamahagi ng pagmamahal at tulong nito sa lahat ng mga taong nangangailangan lalo na sa mga mahihirap.

Ayon kay Alfredo Li, TCFP Chief Executive Officer, ito’y patunay lamang ng patuloy na pagmamahal ni Master Cheng Yen, founder, Tzu Chi Foundation para sa mahihirap hindi lamang para sa mga maysakit kundi ang muling makabangon mula sa masaklap na sinapit nang paghagupit sa bansa ng bagyong Ondoy.

Marami ang nawalan ng tahanan partikular sa Marikina City na sinalanta ng naturang bagyo.

“With united hearts, we can achieve this dream of Master Cheng Yen and we don’t need to be afraid because she is always behind us,” ani Li.

Sa pagdalo ng Ondoy victims sa anibersaryo ng foundation, hindi matawaran ang kaligayahan sa puso ng mga taga-Marikina City na pinakaapektado sa pananalanta ng bagyo.

Walang katapusang pasasalamat sa TCF ang namutawi sa kanilang mga labi dahil sa panibagong pag-asang ibinigay sa kanila na muling makabangon at makapagsimula ng panibagong buhay.

Sa pamamagitan ng P400 allowance kada isang miyembro ng pamilya sa loob ng 2 linggo mula sa pananalanta ng Ondoy, mabilis na nakabalik sa kanilang mga tahanan ang ilan sa Ondoy victims sa Marikina.

Nalinis ang lugar at nakapagpatayo ng pansamantlang tirahan maging ang kaunting kabuhayan.

Tinulungan din ng foundation ang kanilang mga anak na makapag-aral sa pamamagitan ng livelihood program ng TCFP; ang ‘dental auxillary course’ para sa dental aides at ‘garment sewing’.

Ganito rin ang naging damdamin ng mga residente ng Dreamland community sa Rosario Cavite, mga biktima ng bagyong Pepeng sa kanilang pagdalo sa anibersaryo.  ‘Adapted community’ na ito ng foundation at patuloy na nakatatanggap ng tulong buwan-buwan mula sa 10 kilong bigas, groceries, feeding program sa mga bata maging sa libreng pag-aaral sa pagsulat at pagbasa. 

Aanhin mo ang ambisyon kung ang kapalit nito ay pagkawalay sa iyong mga minamahal?

“Maganda ang mag-ambisyon na makapagtrabaho sa abroad, pero kung hindi para sa iyo ang ambisyon na yun, huwag nang pilitin.  Paano kung kaming mag-asawa ang makulong, paano na ang mga anak namin?”

Tila tinuldukan na ng mag-asawang Manuel Natividad, 41 at Miriam Estenor, 38,  kabilang sa mahigit sa 20 Overseas Filipino Workers (OFWs) na dumating sa bansa mula sa Malaysia kabilang ang limang bata sa pamamagitan ng programang Sagip OFW ni  Sen. Manuel Villar.

Umalis sa bansa si Manuel noong 1991 bilang tourist sa pamamagitan ng imbitasyon ng isang kaibigan sa Malaysia para mabayaran ang P80,000 utang nito sa Tagum, Davao City.

Dahil nandoon na siya, hindi siya nagsawa sa paghahanap ng trabaho araw-araw para matugunan ang pangangailangan ng kaniyang mag-ina sa Pilipinas at makabayad sa kaniyang utang.  Di nagtagal, nakahanap din siya ng trabaho sa isang construction company pero ‘extra’ lang.

Noon pa man aniya, mahirap na ang kaniyang kalagayan sa Malaysia dahil ‘T&T’ (tago ng tago) at walang visa bilang contractual worker.

Taong 2004, pinasunod nito ang asawa kasama ang kanilang nag-iisang anak.  Hindi nakapagtrabaho si Miriam sa Malaysia.  Bilang kapalit sa kanilang pananatili doon, ipinagluluto at ipinaglalaba ang amo ng asawa.

Nadagdagan pa ang kanilang anak habang nasa Malaysia na ngayon ay nasa edad 5 na.

Naaksidente si Manuel sa construction.  Nabagsakan ng semento na tuluyang ikinabali ng kaniyang buto sa kabilang paa.  Nilagyan ito ng bakal.  Mula noon, natagil na siya sa pagtatrabaho.

Sa ngayon wala ng balak ang mag-asawa na bumalik o magtrabaho sa ibang bansa.  “Tanggap ko na, na may mga minamalas at nagtatagumpay sa ambisyon.  Hindi ko na rin papayagan ang asawa ko na bumalik dun.  Dito na lang kami kasama ang mga anak naming.  Magtatayo na lang ng konting negosyo,” ani Manuel.

“Mahirap doon ate, lagi kang may takot sa dibdib at hindi makatulog.  Dahil sa takot na baka bigla kaming arestuhin ng mga pulis dahil iligal entry kami.  Paano na ang mga anak namin?,”

“Maraming salamat talaga kay Sen. Villar.  Kung hindi dahil sa kaniya, hindi kami makababalik dito.  Sana magpatuloy pa ang pagtulong niya sa mga kababayan nating nagkakaproblema sa ibang bansa,” ani Miriam.

Ayon kay Sen. Villar, hindi siya magsasawa na tumulong sa mga OFW na nagigipit sa ibang bansa.

“Matagal ko na itong ginagawa.  Kaya nga gusto ko na magkaroon ng kabuhayan sa bansa para hindi na lalabas pa ang indibiduwal para magtrabaho.  Sana tumulong din ang iba nating kababayan na may kakayahan sa pagsagip sa OFWs,” ani Villar sa isang hosted breakfast sa Marinold Rest., Macapagal Ave., Pasay City.

Sa huli, sinabi pa ng mambabatas na nais niyang ituloy ng kaniyang mga anak ang kawanggawa na kaniyang sinimulan.  Linda Bohol/Photos by: Edna dela Fuente

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply