Kaya ayaw umuwi ng Pinas: Nora Aunor walang pamasahe

AYAW magkomento ni Vilma Santos kaugnay sa kanyang impresyon at nasa isip na walang pamasahe si Nora Aunor bagamat sinabi niyang “Nora Aunor ‘yan.”

Na ang implikasyon ay maraming koneksyon at nagmamahal kay Nora kaya hindi ito mapapabayaan.

Na mananatiling alamat at may halaga ang pangalan at imahen ni Aunor.

“Ayaw ko lang mag-comment sa isyu dahil para sa akin hindi ‘yon pleasant news,” pahayag ni Vilma.

Lagi ngang nakatuon ang pansin at panalangin ni Santos sa kanyang kumare kahit na ano pa ang mangyari.

***

Kahit nga ang masusugid na tagahanga ni Guy ay hindi naniniwalang mawawalan ng pamasahe ang aktres para makabalik sa Pilipinas.

“Ano ang ginagawa ni Tita Aunor? Malaki ang naitulong ni Ate Guy sa kanya at alam kong hindi siya pababayaan ng kapatid,” pahayag ni Deo Antazo, ang isa sa mga batang fan ng aktres.

Alam ba ninyo na si Deo ay nasa kalagitnaan pa lang ng beynte anyos at wala pa siya sa mundo nang sumikat si La Aunor pero siya ay nahulma ng kasaysayan na tagatangkilik ng Superstar?

“At si Lala Aunor? Ano ang kanyang ginagawa? Kaya hindi mawawalan ng pamasahe si Ate Guy. Maraming nagmamahal kay Ate Guy. Amerika ‘yon at ang daming may kaya at professional na Noranians kaya hindi siya pababayaan ng mga ito,” pananalig ni Antazo na galit na galit sa mga naninira sa kanyang idolo.

Pati sina Tess de Vera, Lito Sagun at Lito Sibonga na pawang mga Noranians at tatlo lang sila sa milyun-milyon pang Noranians ay sumusumpa na maraming maaasahan si Ate Guy sa pamasahe pauwi ng Pilipinas.

Itinataga rin nila sa bato na mag-aambagan silang mga tagasuporta ni Nora para kung sakali at magkaproblema, may pera silang maibibigay sa kanilang idolo.

***

“Naku, hindi pababayaan ni Kuya Germs (German Moreno) si Ate Guy. ‘Yon pa. Kaya walang katotohanan na walang pamasahe sa eroplano si Ate Guy para makabalik sa Pilipinas,” wika ni Antazo na sinigundahan ni Tess.

“Naninira lang sila kay Ate Guy. Bayaran lang ‘yang mga ‘yan kaya sinisiraan nila si Ate Guy. Wala silang karapatan na dikdikin si Ate Guy. Kami ang makakalaban nila,” pagsumpa ni Deo.

Sa katunayan, dahil sa pagmamahal nila kay La Aunor ay nagtayo na sila ng Noraniano Collection, isang aklatan at imbakan ng mga memorabilia ni Nora na itatayo sa Iriga City, ang lunsod na sinilangan at nilakhan ng aktres sa Camarines Sur.

“Nagbigay na po ako ng mga libro na may lathalain tungkol kay Nora,” sabi ni Antazo na nagtapos ng pagkamaestro at nagtuturo ngayon.

***

Samantala, may Alzheimer’s Disease si Mama Milagring Santos, ang butihing ina ni Vi.

Pero kahit may ganitong karamdaman ang ina ng aktres ay mahal na mahal pa rin siya ng pamilya. Malusog din ani Baby Vi si Mama Milagring kahit na may ganitong sakit dahil wala namang epekto ito sa mga pangunahing bahagi ng katawan ng isang tao.

Ayon kay Santos, ang tawag sa kanya ni Mama Milagring kung minsan ay Mama o Ate pero pag minsan naman anya ay malinaw ang utak ng kanyang nanay.

Sinabi pa ng gobernadora ng Batangas na alagang-alaga nilang mga anak ang kanilang mahal na ina na nagbigay sa kanila ng buhay kaya naman sinusuklian nila ito ng kapwa pagmamahal. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply