Korap sa flood control project ilantad

UMATRAS umano ang mga investor na Hapon sa paggawa ng Agno River Flood Control Project sa mga bayan ng Sto. Tomas at San Nicolas sa Pangasinan.

Ang dahilan: gustong magkaroon ng tongpats ang ilang onorabol sa pondo ng proyekto na nagkakahalaga ng kung ilang bilyong piso.

Nagbunga naman ito ng pananatiling bahain ng malaking bahagi ng Pangasinan mula sa malaking Agno River na galing naman sa mga kabundukan ng Benguet.

Dahil sa baha, maya’t maya na lang ay nagdedeklara ang lokal na pamahalaan dito ng isteyt op emergensi.

Nangangahulugan na sobrang perhuwisyo ang baha sa lalawigan.

Maraming buhay ang nakikitil at at maraming ari-arian ang nasisira dahil sa baha.

Ngayong may gustong maglagak ng puhunan para makontrol ang baha sa lugar, gusto namang pagkaperahan ng mga walang kaluluwang onorabol.

Umatras tuloy ang mga mamumuhunan.

oOo

Hindi natin basta palalampasin sa ating mga mata ang ganitong mga pangyayaring nagbubunga ng  maramihang kamatayan at  malawak na kasiraan sa ekonomiya at kapaligiran.

Itong si Pangasinan Board Member Ranjit Shahani ang nagsusumbong sa bayan ukol sa pangyayari kaya naman kapani-paniwala ang ulat dito.

Ngayon, Suki, dahil nasimulan na rin lang ni Bokal ang maglabas ng masamang balita, magandang gawin niyang krusada ang laban sa korapsyon sa proyekto.

Gusto nating makita na bukod sa pagsasampa nito ng resolusyon sa kanilang Kapitolyo para maimbestigahan ang pangyayari, iakyat din nito sa Kongreso,  sa  Kamara  o sa Senado, ang problema.

Tutal, karaniwang nanggagaling sa Kongreso ang aprubal sa ganyang mga proyekto, kasama karaniwan ang mga pondong kinakailangan para maitayo yan.

May karapatan at tungku-lin pa nga ng Kongreso ang mag-imbestiga kung saan-saan ginagamit ang mga pondong binibitiwan nito o kung bakit napupurnada ang mga mahalalaga at pambansang proyektong ganyan.

Kung hindi makakalkal ang problemang ganito, malaking perhuwisyo ang sasapitin ng mamamayan gaya ng pananatili nilang lubog sa baha tuwing may malakas na ulan at bagyo.

oOo

Malaking hamon kay Shahani ang problemang siya na rin ang naglantad sa publiko.

Panahon nang tumulong siya sa pagdurog ng gulugod ng mga korap na nagiging sanhi ng mga kamatayan at paghihirap ni Juan.

Itong mga tsuwariwap ni PNoy ay dapat na ring sumawsaw sa usapin.

Ang mga ganitong usapin ang dapat nilang asikasuhin at hindi yang mag-twitter o magtsismis sa internet ukol sa kawalan ng mga guwapo at masarap na alak sa ibang bansa.

Isang araw, kung matanong ang mga ito ukol sa inilantad ni Shahani, ayaw nating marinig na sasabihin nilang “neber herd” yung problema.

Ang bahagi ng diwa ng salitang “kayo ang boss ko” ni PNoy ay nagmumula sa boses ng mga maliliit.

Maliit lang na pulitiko si Shahani at maliliit na tao ang mga binabaha sa Pangasinan. Maipaaabot ba ng mga twuwariwap sa pandinig ni PNoy ang malungkot na kalagayan ng mga taga-Pangasinan? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply