Lalaki binoga dahil sa ingay ng rambulan

MALUBHANG nasugatan ang isang lalaki  matapos barilin ng hindi nakilalang residente na nabuwisit sa ingay dulot ng rambulan at basta na lang namaril, sa Malabon City.

Ang biktima na inoobserbahan sa Tondo Medical Center (TMC) sanhi ng tinamong tama ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa dibdib ay nakilalang si Ronald Kamandag, ng Plapla st., Brgy. 12, Caloocan City .

Inatasan ni Supt. Reynaldo Orante ang kanyang tauhan para magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan sa suspek na  naninirahan sa Teachers Village , Brgy. Longos, Malabon City na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa imbestigasyon ni PO3 Edsel dela Paz, naganap ang insidente ganap na 2:20 kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng Paradise Village , Brgy. Tonsuya, ng nasabing lungsod.

Ayon sa salaysay ng mga nakasaksi, unang nakitang nakikipag-rambulan ang grupo ng biktima sa kalabang gang kung saan ay nakikipagbalibagan ng bato at bote ng alak sa tapat ng isang tindahan.

Nabuwisit ang may-ari ng nasabing tindahan at kaagad na kumuha ng baril at walang sabi-sabing nagpaputok na ikinasugat ng biktima.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang biktima kung saan ay hindi pa matiyak ang kaligtasan nito habang mabilis namang tumakas ang suspek. Roger Panizal

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply