Lucho, mas humahawig na kay Ryan Agoncillo kesa kay Judy Ann Santos

TALIWAS sa inaasahan ng lahat na magiging kahawig ni Judy Ann Santos ang kanyang panganay na anak na si Juan Luis o Lucho, ngayon pa lang ay humahawig na ang sanggol kay Ryan Agoncillo.

Ito ang ipinahayag ni Jeffrey Santos kamakailan nang makorner namin siya sa premiere night ng pelikulang “Ang Babae sa Sementeryo” ng AEI Movie Productions sa The Block ng SM City.

Ayon kay Jeffrey, habang lumalaon ay nakakamukha ni Ryan ang kanyang pamangkin.

“’Yong noo niya, ‘yong eyes, ‘yong cheek, ‘yong nose, halos lahat kay Ryan, e. Pero ‘yong lips, sa mga Santos,” masayang pahayag ng mas matandang Santos.

Idinagdag ni Jeffrey na magkagayunman ay mahal na mahal nila si Lucho.
***
Inihayag din ng aktor na mas malamang kaysa hindi ay sa isang taon pa o pagkaraan ng isang taon pa magbabalik si Juday sa showbiz.

“Ayaw kasi nilang kumuha ng yaya para mag-alaga sa baby. Gusto nina Juday at Ryan na lumaki si Lucho na may sarili silang hands on na care. Kasi nga, excited na sila pareho sa paglaki no’ng baby,” pagbabalita pa ni Jeff.

“Kaya mga isang taon pa ang hihintayin ni Juday para makabalik siya sa trabaho. Mas maganda nga ‘yon para mas personal care kay Lucho, di ba?” tanong ni Jeff.

Si Agoncillo na lang muna ang nagpapawis ngayon bagamat marami ring naipon si Santos sa kanyang pag-aartista.

***

Ayon kay Jeffrey, ang kanyang inang si Carol Santos ang madalas na dumalaw sa kanyang pamangkin.

“Naku, si Mommy, lagi kina Juday. Halos araw-araw nando’n. Hindi na namin ‘yan makapa sa bahay dahil nando’n lagi kay Lucho, sa kanyang apo.

“Nagdadala lagi ‘yan ng pagkain at laging nakatitig sa kanyang apo. Exciting talaga. Ako naman, pag may time, yes, nando’n din ako,” pagtatapat ni Jeff.

Sa ngayon ay pinaplano na ang pagpapabinyag kay Lucho pero pulido ang preparasyon para walang bulilyaso.

***

Isa si Sam Milby sa mga unang dumating sa pagbubukas ng 2010 Cinema One Originals Film Festival ng kamakailan sa Shang Cineplex ng Shangri-La Plaza sa Mandaluyong City.

Bida si Sam ng obrang “Third World Happy” sa direksyon ni EJ Salcedo at talagang aktor na aktor ang hitsura at hitsura ni Sam sa proyektong ito.

Maligaya si Milby nang dumating sa opening ng pestibal at nakipagsosyalan agad siya sa mga bisita.

Kahit nakasalampak siya sa may pabilog na upuan ng fountain sa third floor ng Shangri-La, walang pakialam ang Fil-Am na aktor na kahanga-hanga sa kanyang mga paninindigan sa buhay.

Mahigpit na kalaban ni Sam sa pagka-Best Actor sa Cinema One Originals si Ronnie Lazaro para sa pelikulang “Ishmael” sa direksyon naman ni Richard V. Somes.

***

Nasa pagtitipon din si Cherie Gil kahit na wala siyang pelikula sa pestibal bastat nasa likod siya sa pagsuporta sa kanyang kapatid na si Mark Gil na bida rin sa “Ishmael.”

Rebelasyon si Ria Garcia sa pelikulang ito kahit na kapirot lang ang kanyang mga nagawang pelikula nitong mga nagdaang taon.

Parang beterana na si Ria sa pagganap kaya naman hindi malayong nominado siya sa mga award-giving body sa bansa lalo na sa Gawad Tanglaw.

Masayang-masaya si Ronald Arguelles, ang pinuno ng Cinema One at may pakana ng filmfest na ito dahil sa likod ng mga problema ay matagumpay ang kanyang mga pagtatanghal.

Nang ipalabas ang “Dagim” ni Pedro Valdes kamakailan, biniling lahat ng direktor ang mga tiket ng buong sinehan para maipamudmod sa kanyang mga kaibigan, kakilala at kapamilya.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply