Mag-asawang OFW na nasa Saudi humingi ng tulong sa Pinas para sa kanilang hospital bills

HUMINGI ng tulong ang mag-asawang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia sa pamahalaan ng Pilipinas  maging sa kanilang mga kababayan sa kanilang lumolobong hospital bill makaraang maratay sa intensive care unit ang kanilang premature na sanggol sa isang hospital sa naturang bansa.

Sa pamamagitan ng grupong Kapatiran sa Gitnang Silangan (KGS) nanawagan ang mag-asawang sina Edgar Montano, 33, at Alice, 36, mga tubong Pangasinan, na tulungan sila sa pagbabayad ng kanilang hospital bill para sa kanilang month-old baby Joseph, na kasalukuyang nakaratay sa Al Hammadi Hospital sa Riyadh.

Sa isang news release, umabot na sa halagang 170,000 Saudi riyals, 2 milyon naman sa piso.

Isang all-around maintenance crew sa Rainbow International Services si Edgar na sumasahod lamang ng 1,000 Saudi riyals kada buwan (P11,000) habang si Alice ay isang domestic worker sa isang French Embassy official sa Riyadh na sumasahod lamang ng 2,000 Saudi riyals(P22,000).

Ayon kay Edgar,  dinala niya ang kanyang asawa noong Oktubre 8 na noo’y anim na buwang buntis sa naturang hospital matapos dumaing ng matinding pagsakit ng kanyang tiyan. Di kalauna’y iniluwal na niya ang kanyang premature baby sa pamamagitan ng caesarian section. Kasalukuyang nasa incubator sa intensive care unit sa naturang hospital si baby Joseph.

Dahil dito, humingi na ng tulong si Edgar sa KGS at Migrante-Middle East, dahil sa papalaki nang papalaki ang kanilang gastusin sa hospital kung saan umaabot sa 3,000 Saudi riyals ang binabayarang gastusin para sa paglalagi rito ni Baby Joseph.

“We will endorse their case to the Philippine Embassy in Riyadh through the on-site office of the Overseas Workers Welfare Administration (OWWA),” ayon kay Migrante regional coordinator John Leonard Monterona.

“We will also request the Embassy to allow the couple to solicit funds and endorse their solicitation letter to be distributed to the Filipino community and various Filipino organizations here,” dagdag pa nito.

Sa ilang taong nakalipas, ang Saudi Arabia ang paboritong puntahan ng OFWs na nais magtrabaho abroad kabilang na rito ang mga nurses, caregivers, domestic helpers, teachers, at maging ang IT sector.

Sa kasalukuyan ay may 1.1 milyong Pilipino na ang nasa  Middle Eastern country. Nag-akyat ang mga naturang OFWs ng US$1.4 bilyon  remittances para sa taong 2009.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply