Magkagaya ba o magkaiba sila?

Pinaghahambing ng iba si Pres. Benigno “Noy” Aquino at si Pres. Barrack “Barry” Obama  pagkatapos ng nakakagulat na pagbagsak ng suporta ng mga botanteng Amerikano sa partido ng Pangulo ng Amerika nitong nakaraang mid-term election kung saan naagaw ng kalabang partido, ang Republicans, ang liderato ng Kongreso mula sa partido ni Obama na Democrats.

Ang sabi kasi, pareho daw sobrang sikat si Noy at si Barry bago naging Pangulo at noong mga unang araw ng kanilang pamahalaan pero dahan-dahan na bumulusok pababa ang suporta sa kanila. Ang sabi pa, wala na rin daw maaasahang malaking suporta si PNoy mula sa mga botanteng Pilipino sa darating na eleksyon sa 2013 na bersyon naman natin ng mid-term elections at baka matalo na ang mga bata ni Noy gaya ng pagkatalo ng mga bata ni Barry sa Kongreso.

Pero hindi ako naniniwala na pwede ihambing si Pres. Noy kay Pres. Barry ang dami nilang pagkakaiba. Una hindi kagaya ng Amerika ang tibay ng political parties sa Pilipinas. Sa atin ordinaryo na lang ang talunan ng bakod at pag halalan iba ang ipinakikitang attitude ng mga botanteng Pinoy na wala namang pakialam kung anong partido ang kandidato.

Sa Amerika, maipapaliwanag ang pagkawala ng boto kay Obama sa palpak na ekonomiya, sa napaka-kontrobersyal na health bill ni Obama at maging ang stand ng American President sa digmaan sa Iraq.

Dito sa atin, mahirap maintindhihan, minsan kung sinong kandidato ang may scholarship, may pang-abuloy sa patay, maraming pinamimigay na gamot o medical assistance, pumupunta sa mga kasal at sa binyag, at mas maraming pera na pinamumudmod, yun ang iboboto, at yun na ang mananalo.

Hindi masyado totoo sa sistema ng ating pulitika na matatalo ang kandidato pagka-Congressman o Governor dahil hindi masaya ang tao sa Presidente ng kandidatong yun. Ang mga sinasabing hindi ikinatuwa ng mga tao tungkol sa takbo ng gobyernong Aquino, hindi pa rin natin sigurado kung ito nga ay may epekto sa botanteng Pinoy sa kanilang pagboto pabor man o laban sa mga tao ni PNoy sa 2013.

Kaya hindi ako naniniwala na pwedeng mangyari kay Noy ang nangyari kay Obama dahil ihahambing lang silang dalawa.  Kung ibabase natin sa political history ng dalawa at sa pagkakakuha nila ng mas maraming boto kaya sila naging Pangulo, ang dami ding kaibahan.

Si PNoy reluctant President, kaya lang naging Pangulo ay namatay si Cory at talagang anybody-but-Gloria’s-man ang sentimyento noong nakaraang halalan sa atin. Si President Obama, matibay ang tinahak na political career at matindi ang naging mga kalaban. Maging ang sikat na si Hillary Clinton na malaki rin ang campaign funds ay kinailangan pa nyang lagpasan bago harapin ang pambato ng kalabang partido.

Matibay ang karanasan ni Obama sa pagiging lider samantalang si PNoy umamin na mangangapa, diba halos walang pumapansin sa kanya noon bilang political figure. Ang bulungan nga ay si Cory pa ang nangligaw ng suporta para lang maging Kongresman ang unico hijo na si Noy at pagkatapos ay Senador.

Kaya maraming hindi pwedeng ihambing sa dalawa. Pero magandang malaman na rin kung magbabago nga ang botanteng Pilipino sa paraan ng pagpili ng kandidato sa darating na halalan sa 2013.

Magiging parang mid-term elections ba ng Amerika kung saan nagpahayag ng saloobin at pagkadismaya ang tao sa sitwasyon ng bansa o dati pa rin na kung saan ang pera doon ang boto.  Abangan nating lahat.

Mag-text po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa 09215186724. O kaya ay email sa: ariel.inton@gmail.com. Atty. Ariel Enrile-Inton

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply