‘Magsimula Ka’

Magsimula ka, batiin ang kay gandang umaga
Ng may ngiti sa iyong mga mata
Sa pagkakaidli gumising na
Ang buhay ay masaya
Palalagpasin mo ba

Magsimula ka, tuparin ang pangarap mong tunay
Habang ang lakas iyo pang taglay
Sa paghihintay baka masanay
Sayang naman ang buhay mawawala ng saysay

(Refrain)
Iisa lang ang buhay mo
Kumilos ka, gamitin mo
Kung may nais ang puso mo
Mangarap ka, abutin mo
Upang ito’y makamit mo
Magsikap ka, simulan mo

Magsimula ka, pilitin ang tuklasin ang hanap
Madanas man ang maraming hirap
Ang mithiin mo pag naging ganap
Langit ng pagsisikap iyo nang malalasap
(Repeat refrain 2x)

Upang ito’y makamit mo
Magsikap ka, simulan mo

Ito ang isa sa  Original Filipino music (OPM) na namayagpag at naging ‘boxoffice hit’ inawit ng batikang singer na si Leo Valdez sa ‘4th Metropop Songwriting Competition noong 1981.  Hanggang ngayon, hindi pa ito nalalaos bagkus ay nananatili pa sa kaniyang trono.  Paborito ito bilang piyesa sa mga amateur singing contest maging sa mga videoke bar.

Isang awitin na ang bawat salita nito ay naghahatid ng magandang mensahe sa buhay ng bawat indibiduwal sa araw-araw.  Huwag sumuko sa bawat laban ng buhay…bumangon, tuklasin ang hanap, magsimula at sa huli masarap tamasahin ang bunga nito.

‘Magsimula Ka’, ito rin ang titulo ng isang musical play na itinatanghal ngayon sa Music Museum, na prodyus ng beteranang stage actress na si Isay Alvarez at sa direksiyon ng asawa nito na si Robert Seña.  Ang mag-asawa ay orihinal na gumanap bilang mga pangunahing tauhan nang una itong itanghal sa Cultural Center of the Philippines (CCP) noong dekada ’80.

Nitong Sabado, nagkaroon ako ng pagkakataon na mapanood ang unang araw ng revival ng musical play, 100 porsiyento ang marka na ibinigay ko dito mula kay Ciara Sotto at sa iba pang  mga bagets na gumanap.  Sa pag-arte, sa musika at sa kalidad ng mga boses.

Hindi man ako biniyayaan ng isang makapangyarihang boses, tumatagos sa bawat himaymay ko ang bawat awitin na kanilang binibigyang buhay.

Sa pambungad na tagpo (scene) pa lamang, tututukan mo na ang mga susunod na mga tagpo dahil napukaw na ang atensiyon mo.  Ito ang graduation day, suot ang toga, at simula ng pakikipagsaparalan para sa katuparan ng pangarap ng apat na magkakaibigan maging sa pag-ibig.

Si Myke Solomon bilang Mandy, pangarap na maging isang tanyag na mang-aawit; si Mario (Fredson Lo), bilang manunulat; Pert Bernadas sa papel na Miguel bilang composer at Monina (Ciara Sotto) bilang social worker at kasintahan ni Miguel.

Naging matagumapay na social worker si Monina na hindi sumusuko sa pagbibigay ng suporta sa mga kaibigan at sa nobyo na nagpupursige sa kaniyang pangarap subali’t hindi maunawaan ng sariling mga magulang.

Halos hindi ako kumurap sa bawat eksena ni Ciara at sa mga awitin na aawitin nito.  Hindi madali ang umarte at umawit ng sabay.

Naiintindihan ko ito kahit ako’y hindi singer.  Dahil sa tatlong taon kong pagsali sa taunang ‘Gridiron’, isang play na inilalarawan ang kilos, galaw ng bawat kasapi ng gabinete ng isang administrasyon.

Dumaan ako sa masusing pagsasanay.

Pero ‘perfectly’ itong nagawa ni Ciara at Miguel habang umaawit ng nagtititigan.  ‘Walang sablay.  Walang sabit.  Birit  kung birit ika nga!’  masigabong palakpakan ang tugon ng audience pagkatapos ng duet.

Batid kong bata pa lang si Ciara ay umaawit na at umaarte na.  Hindi lamang dahil galing ito sa pamilya ng singers at aktres, ang tanyag na Sotto brothers.  Siya ay bunsong anak nina Senate Majority Leader Vicente Sotto III at beteranang aktres na si Helen Gamboa na nanatiling simple maging sa pananamit at tipikal na ina sa mga anak at apo.

Binati ko nga sina Tito Sen at Ms. Helen pagkatapos ng performance at sinabi kong hindi ko akalaing bumibirit pala ang bunso nila.  Kahit may-asawa na, tila ito ang simula ng kaniyang ‘acting’ at ‘singing’ career sa musical play. Bravo Ciara!

Hindi rin matatawaran ang papel na ginampanan ng mag-nobyong kasambahay sa pamilya ni Miguel.  Umani rin ito ng hiyawan dahil sa tandem na komedya ng dalawa.

Sa kabuuan, binabati ko ang production staff, aktor, aktres na gumanap.  Mabilis ang pagpapalit ng mga tagpo at hindi ‘boring’.  Sana makapag-prodyus pa sina Isay at Robert ng  isa pang ganitong dekalidad na musical play.

Para sa mga nagnanais na pansamantalang makalimot sa mga problema at magkaroon ng inspirasyon sa kabila ng mga kinakaharap na problema, isama ang buong pamilya at tiyak na kapululutan ito ng aral  para sa mga magulang at mga anak.  Mapapanood ang musical play sa Nobyembre 24-27, at Disyembre  2, 3 at  4 sa Music Museum, sa San Juan City. Linda Bohol/ photos by: Ramon Lopez

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply