Maguindanao massacre: Isang taong hinagpis

UNANG anibersaryo ngayon ng Maguindanao massacre.

Nasaan na ang katarungan sa kasong ito?

Sa ating pagtaya, nakalilimang hakbang pa lang ang hukuman sa 100 hakbang nito para madesisyunan ang kaso.

Antas lamang ito ng regional trial court, mga Bro.

Ibig sabihin nito, aabutin ang RTC ng siyam-siyam bago ito makapagbaba ng desisyon. At ang siyam-siyam na yan ay 10-20 taon?

Alalahaning mangilan-ngilan pa lang ang nasasampahan ng kaso at inuusig sa nasa 200 akusado. Iilan pa lang din ang nahuhuli at nabibilanggo. Iilan pa lang ang testigo na tinatawag para magpahayag ng katotohanan o kasinungalingan.

Pagkatapos ay katakot-takot ang mga kilos ng depensa upang i-delay ang kaso.

Naririyan ang mga mosyon para sa postponement ng mga hearing sa iba’t ibang kadahilanan at iba pang pangkalso sa pag-usad ng mga pagsasampa ng kaso, arraignment at paglilitis.

Kung aabot ang kaso sa 10-20 taon sa RTC lamang, paano na lang kung aakyat ito sa Court of Appeals at Korte Suprema?

Aabutin din ba ng siyam-siyam ang kaso sa CA at KS?

Habang nagaganap ito, mga Bro, may lumalabas na mga balitang milyonan ang offer sa pagbaligtad ng mga testigo laban lalo na sa mga itinuturing na utak at may gawa ng massacre.

Itinuturing na utak at may gawa ng massacre ang mag-amang Andal Ampatuan Sr. at Jr., kabilang na si dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan na anak din ng matandang  Ampatuan.

Nagsimula na ring mamatay ang mga saksi na pabor sa mga biktima ng massacre.

Ano na lang ang mangyayari kung sa paglakad ng panahon ay bumaligtad ang mga testigo o kaya’y mamasaker din sila?

Mas masahol pa ang kahihinatnan nito sa pag-usad ng kaso na parang pagong.

Kaya naman, mga Bro, kabilang tayo sa mga pormal na humihiling ng pagkakaroon ng Special Court para tutukan ang kaso at mapabilis ang pag-usad nito.

Kailangang habulin natin ang panahon na inaalok ang mga testigo ng malalaking halaga para bumaligtad.

Kailangang abutin nating buhay ang mga testigo laban sa mga akusado.

At magagawa ito sa pamamagitan ng Special Court na magtitiyak ng speedy trial.

Kailangang bitiwan ng matotokang huwes sa special court ang kanyang ibang mga kaso at iba pang gawaing iniatas sa kanya ng mataas na hukuman.

O Chief Justice Renato Corona at kayong mga associate justice, sana pakinggan ninyo ang kahilingan para sa Special Court para sa buong katotohanan, katarungan at napapanahong desisyon.

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply