Manny Pacquiao, nag-alay ng ‘korona ng patay’ kay Carmen Ronda

ANO ANG pinagkakapareho nina Manny Pacquiao at ng sikat na action star na si Rhene Imperial?

Pareho silang mahilig sa bakbakan sa pelikula at naging magbilas.

Kasi nga’y naging “asawa” at kasintahan ni Rhene ang kakambal ni Jinkee Pacquiao na si Janet. May dalawang anak sina Imperial at Janet.

Hanggang ngayon ay magkaibigan pa rin sina Rhene at ang twin sister ni Jinkee bagamat may pareho nang pag-ibig na kanya-kanya.

Wala pang masyadong pangalan noon sa boksing si Manny ay magkaibigan na sila ni Rhene sa General Santos City at magkakasama sila sa bahay noon.

Naging manager pa ni Pacquiao sa boxing at showbiz si Imperial.

***

Nang dahil sa pinagsamahan nilang dalawa—dahil ang isa sa mga kaugalian at kultura ng mga Filipino ay ang “iba na ang may pinagsamahan” nang para gumanda ang buhay, ito ang sandigan nina Rhene at Manny.

Ang mga taong may kaugnayan sa kanila o nagkaroon ng koneksyon sa kanila lalo na at may magandang pinagsamahan kahit nagkalabuan ay itinuturing batayan ng pagkakaibigan lalo na at may mga utang na loob sa anumang paraan.

Kaya nang mamatay si Carmen Ronda, ang bantog na seksing aktres na dating misis (bagamat asawa pa ring legal) ni Imperial ay isa si Pacquiao sa mga nakiramay kahit wala siya sa punerarya, sa St. Joseph Memorial Chapels sa Barangay Mayamot, Antipolo City.

Nagpadala si Pacquiao ng mga bulaklak na korona ng patay sa lamay kay Carmen na namatay nang dahil sa cancer of the ovary kamakailan sa Davao City.

***

Nakahambalang sa kaliwang sulok sa maliit na kapilyang aircon ang nakatindig na mga bouquet of flowers ni Manny para kay Carmen.

Nang umagang inilipat si Ronda mula sa Gospel Memorial Homes ng St. Peter’s Memorial Chapels sa Boni Avenue sa Mandaluyong City ay kasabay ang pagdating ng mga bulaklak ng patay ni Pacquiao na kadarating lang mula sa Amerika pagkatapos ng matagumpay niyang laban kay Antonio Margarito ng Mexico City.

Nakikiramay ang mga Pacquiao sa pagyao ni Carmen na isa sa mga pamosong aktres noong 1970s kasabay sina Chanda Romero, Daria Ramirez, Tina Monasterio, Lorna Tolentino, Alma Moreno at marami pang iba.

Nang gabing kababalik lang ni Manny mula sa Estados Unidos ay binisita siya ni Rhene kasama ang mga kaibigang sina Linda Cabuhayan, Danny Labra, Jimmy Concepcion, Jess Sanchez at Richard Duran.

Nakaburol noon si Carmen habang nakikipagtalimitam sina Imperial sa kanyang dating bilas na malalim ang pinagsamahan at pinag-ugatan.

***

Samantala, walang kaalam-alam ang katambal ni Ronda sa pelikula na si Ernie Garcia na pumanaw na ang kanyang leading lady.

Nasa Imus, Cavite si Ernie ng mga huling araw ng nakaraang linggo at nagninong sa binyag kahapon kaya ngayong araw lang na ito makakatunghay sa mga labi ng aktres sa mga huling sandali.

Presente naman ang tatlong anak nina Carmen at Rhene na sina Karen, isang flight stewardess, JR, isang OFW na nakatira sa Davao City at King Imperial, ang nag-aartistang alaga ng direktor na si Neal “Buboy” Tan.

May opisyo si Banjo na bunso nina Rhene at Carmen.

Nandoon din ang anak ni Carmen sa ibang pag-ibig na si Anthony at ang anak din ni Rhene sa ibang minamahal bago sumapit sa kanyang buhay si Ronda.

“Close sa isa’t isa ang mga anak namin. Sabi ko sa kanila na mahal na mahal namin sila bagamat mali ang panahon,” pahayag ni Imperial sa isang eksklusibong panayam.

Nagkakasundo at nagmamahalan nga ang mga anak nina Ronda at Imperial sa iba’t ibang yugto ng kanilang buhay at romansa.

Ayon sa peryodistang pampelikulang si Alice Vergara, gusto ring dumalaw nina Divina Valencia at Marissa Delgado kay Carmen pero naghahanap pa sila ng oras dahil sa kaabalahan sa trabaho.

Sa Miyerkules ang libing ni Carmen sa Himlayang Pilipino sa Tandang Sora, ang sementeryo kung saan nakahimlay sina Lino Brocka at Ishmael Bernal. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply