Massacre suspects naglalamyerda lang sa Maguindanao– Mangudadatu

TINULIGSA kahapon ni Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu ang pamahalaan dahil sa kawalang aksyon upang madakip ang marami pang akusado sa masaker kung saan ilan umano sa miyembro ng pamilya Ampatuan na kasama sa kaso ay malayang nakalilibot pa sa lalawigan ng hindi ginagalaw ng pulisya.

Ayon kay Mangudadatu sa pagpapatuloy ng pagdinig ng kaso ng Maguindanao massacre sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, sa 195 akusado ay 117 pa ang nananatiling nakalalaya.  Kasama umano rito si Bahnarim Ampatuan na nag-iikot sa lalawigan noong nakaraang halalan habang si Digo Mamalapat, kaanak rin ng mga Ampatuan at may nakapending na warrant of arrest sa masaker, ay nakatakbo at nanalo pang barangay chairman sa kanilang lugar.

Nananatili rin umano ang may 100 private armies ng mga Ampatuan sa lalawigan at nasa control pa umano ng pamilya ang 7 sa 36 bayan sa Maguindanao.

Samantala, isinalang naman kahapon sa “cross examination” sa sala ni Judge Jocelyn Reyes-Solis ng Quezon City Regional Trial Court ang “state witness” na si P/Insp. Rex Arial Diongon, ang namuno sa checkpoint na humarang sa convoy ng mga Mangudadatu at ng mga miyembro ng media noong Nobyembre 23, 2009 sa Sitio Malating.

Sa pagtatanong ni Atty. Sigfrid Fortun, abogado ng mga Ampatuan, inamin ni Diongon na kalahating totoo at kalahating mali ang kanyang mga affidavit.

Kasama umano rito ang nilalaman ng una niyang affidavit na hinarang niya ang convoy dahil sa “bomb threat”.   Naglabas pa ng apat na affidavit si Diongon na may petsang Nob. 29, 2009; Disyembre 5, 2009; Enero 12, 2010 at Enero 26, 2010.

Tinuligsa ni Fortun ang pagbabago ng affidavit ni Diongon upang tumugma umano sa nais ng prosekusyon para maging “state witness” ito.  Sinalag naman ito ng panig ng prosekusyon na sinabing ang Department of Justice ang humiling na  gawing “state witness” si Diongon at hindi sila.

Inamin din ni Diongon na tumatanggap siya ng P15,000 buhat kay dating Maguindanao deputy police director, Chief Insp. Sukarno Dicay na kasama sa mga akusado. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply