Mga media noon, mga tserman ngayon

SINUSUBAYBAYAN natin ang mga nagaganap na pag-uusig sa mga suspek sa Maguindanao massacre.

Kung totoo ang sinasabi ng isang saksi sa karumal-dumal na krimen, mismong si Mayor Andal Ampatuan Jr. ang bumaril sa nasa 40 biktima ng massacre sa Sitio Masalay,  Ampatuan, Maguindanao. Walang kurap na sinabi ni PO1 Rainer Ebus, isang parak at personal na driver bodyguard ni Andal, na nasaksihan niya ang mga pagpaslang.

Kabilang sa mga unang pinagbabaril ni meyor ang nasa 10 biktima na bumaba sa mga sasakyan dahil sa checkpoint at nirapido niya silang lahat na parang nasa firing squad. Nag-iiyakan na at humihingi ng pagkilala at awa ang mga biktima, maging ang mga nasa loob ng mga sasakyan, ngunit pinagraratrat sila mismo ni meyor sa pamamagitan ng dalawang automatic rifles.

Ganyan katindi ang pulitika sa Maguindanao at hanggang ngayon ay naghahari pa  rin ang takot dahil sa paggala ng hindi pa naaarestong mga tauhan ng mga Ampatuan sa lugar.

Kabilang sa mga minasaker ang nasa 30 mediamen. Naidagdag ang kanilang bilang sa mahigit 100 biktima ng mga pamamaslang sa nakalipas na 24 na taon.

oOo

Habang mainit na inuusig ang mga akusado sa nasabing massacre, andiyan naman ang nakasisikmurang pamamaslang sa mga tserman o kapitan ng barangay.

Heto nga’t katatapos lang ng gun ban ay pinagtatamnan na ng bala ng kalibre .45 si elected Brgy. Captain Denmark Bueno, ng Brgy. Resurrections, San Juan, Ilocos Sur.

Pinatay si kapitan ng riding in tandem sa motorsiklo makaraang maihatid niya ang isa niyang anak sa isang school sa bayan ng Magsingal, Ilocos Sur.

Tila halos linggo-linggo na yatang may pinapaslang na mga kapitan, bagong halal o reelected simula noong uminit ang halalang pambarangay at pangkabataan nitong nakaraang buwan.

oOo

Iniisip tuloy natin, napakarupok talaga ang buhay sa mahal kong Pinas sa kamay ng mga kriminal.

At tila walang magawa ang mga awtoridad para ipagtanggol ang mamamayan sa gatilyo ng mga mamamatay-tao.

Paano kaya babaguhin ang sitwasyong ito?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply