MMDA, bus operators mag-uusap sa coding scheme

Nakahanda para sa isang diyalogo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga grupong kumukontra sa number coding scheme na ipapatupad ngayong Lunes sa Metro Manila na inaasahang magreresulta sa malawakang transport strike.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino na kanilang ipatutupad ang naturang kautusan at  handang-handa na umano ang kanilang tauhan na siyang ikakalat sa Metro Manila, SLEX at maging sa NLEX.

Kasama ng MMDA ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad nito upang matiyak na masusunod ang naturang kautusan.

Aniya magbibigay ang LTFRB ng special permit para sa mga bus upang hindi maapektuhan ang mga pasahero sa nakatakdang protesta.

Mariing sinabi ni Tolentino na tuloy na at walang urungan ang pagpatutupad ng number coding scheme para sa may 13,000 mga pampublikong bus.

Ayon kay Tolentino, ipakakalat ng ahensiya ang may 1,800 traffic enforcers nito sa kamaynilaan upang walang magiging aberya sa unang araw ng implementasyon ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) scheme sa Public Utility Buses (PUBs).

Dahil dito, sinabi ni Tolentino na kanselado ang day-off ng lahat ng traffic personnel ng ahensiya.

Sinabi pa nito na nakakalat na rin ang mga informative signages sa mga pangunahing lansangan maging sa bahagi ng South at North Luzon Expressways (SLEX at NLEX) bilang pagpapaalala sa publiko na magiging epektibo na ang coding sa public utility buses.  (Johnny F. Arasga)

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply