Nakaw na HSBC mastercard

TUNGHAYAN muli natin ang kaso ng ninakaw na HSBC Mastercard na umabot na sa atensyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Naging biktima si Cristina Monsanto, assistant supervisor, high school department ng Chiang Kai Shek College sa Manila.

Ninakaw ang kanyang HSBC Mastercard noong Nobyembre 7, 2009 bandang 12:47 ng tanghali at bandang  1:40 ng hapon niya ito ini-report sa isang call agent representative ng HSBC.

Binigyan ng kasiguruhan ng nasabing HSBC rep si Monsanto na “declined” ang anomang transaction kaugnay ng Mastercard simula sa oras na iyon dahil “blocked” na iyon.

Pero laking gulat ni Monsanto nang madiskubre niya sa buwan ng Disyembre 2009 na nakalima na sa pagsa-shopping spree ang magnanakaw.

Tatlong beses sa SM Manila Department Store at dalawa sa SM Quezon City Department Store.

Natural na nagreklamo siya sa HSBC dahil kasunod na nito ang paniningil sa kanya.

Inakusahan si Monsanto ng HSBC ng sadyang hindi pagbabayad ng nagamit nitong salapi sa credit card at kakambal ito ng paggamit ng HSBC ng tatlong magkakahiwalay na collecting agencies.

Dahil sa paninindigan niyang totoong ninakaw ang Mastercard at sa pagtututol niyang magbayad dito na taliwas sa turing sa kanya ng HSBC, pinaabot niya ang problema sa BSP.

Nagkaroon ng mediation sa pagitan nina Monsanto HSBC ngunit hanggang ngayon ay wala pang malinaw na patutunguhan ng kaso.

Heto ang ilang isyu.

Lumalabas na hindi pirma ni Monsanto ang makikita sa mga resibo ng SM at patunay ito ng biktima na hindi siya ang gumamit sa credit card.

Tumugon ang SM at sinabing kung mapatutunayang pineke nga ang pirma ni Monstanto, nakahanda silang bayaran ang halaga ng transaksyon. Subalit maangas umanong  hindi ito tinanggap ng mga taga-HSBC na may kasamang pananakot kay Monsanto ng kasong kriminal at sibil at naging dahilan upang tumakbo at nagpatulong sa BSP.

Ang ikinasasama pa ng loob ni Monsanto, sinisingil siya ng annual fee at card replacement fee kahit na walang siyang natatanggap.

Bumigay naman ang HSBC sa pagsasabing kailangang i-produce ng SM ang Mastercard para makita nila ang pirma pero imposible ito dahil sa ninakaw nga ang credit card, ayon sa BSP.

Sa huli, nagkaroon naman ng offer ang HSBC na hanggang 10-20% lang ng kabuuang utang sa Mastercard na lumobo na sa P75,633 mula lamang sa mahigit P35,000 na dinugas dito. Hindi tumugot dito si Monsanto.

Sa gitna nito, naghihirap ang kalooban ni Monsanto sa pangyayari.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply