Nasaan ang parte ni Juan sa public-private partnership ni PNoy?

KASALI ba kayo, Suki, sa Public-Private Partnership na programa ni PNoy?

Masuwerti kayo dahil sa dami ng mga pangako ni PNoy sa inyo.

Kung negosyante ka, merong para sa iyo.

Kung obrero ka, meron ding para sa iyo.

Pero ewan ko lang kung magkakaroon ng mga kaganapan ang mga pangakong yan.

Hanggang ngayon kasi, eh, hindi ko maikonek ang kay Juan ang mga pangako ng mga onorabol.

Lalo na kung mga dambuhalang halaga ng salaping bayan ang sangkot.

At kung magkaroon man ng katuparan, kanino ang namber wan na pakinabang?

oOo

Nagkaroon ng miting sa pagitan ng pamahalaang Aquino at nasa 400 negosyanteng dayuhan at lokal sa Manila Marriott Hotel kahapon.

Mga proyektong imprastraktura at transportasyon, Suki, ang pangunahin nilang pinag-usapan.

Kabilang dito ang Metro Rail Transit (MRT)-Light RailTransit expansion na nagkakahalaga ng P70 billion; MRT Line 2 extension, P11.29B;  bagong Bohol airport, P7.54B; Puerto Princesa Airport, P4.36B; North Luzon Expressway –  South Luzon Expressway link, P21B; Cavite-Laguna Expressway-Manila side section, P10.5B; at Daraga International Airport, P3.07B.

Meron ding para sa tubig-inumin ng nasa 15 milyong taga-Metro Manila na laging nangangamba sa kawalan ng tubig, lalo na sa mga darating na panahon.

Magkano, Suki?

Sa lagay, eh. Hi! Hi! Hi!

Sabi ng mga onorabol,  napakalalaking halaga ang mga ito at para umano kay Juan upang hindi na siya maghihirap sa mga darating na panahon.

Siya nawa!

oOo

Sabi ni PNoy, anesti is da bes palisi rito.

Walang tongpats, walang patalikod na usapan at wa-lang dadaanin sa madidilim na lugar.

Ibig sabihin niyan, may tinta ang bolpen na pampirma ng mga kinauukulan sa lahat ng mga papeles kahit walang tongpats.

Wala na yung 10% ng Bids and Awards Committees; tig-20% nina kongresman  at  senador; oberpray-sing ng mga taga-Palasyo; 5% por da boys; at iba pa para lang matuloy ang mga kontrata.

Beri gud yan, Suki.

oOo

Pero may mga nakatatakot na pinagsasabi riyan.

May garantiya para sa lahat ng mga proyekto.

Anong klaseng mga garantiya, huh?

Nasa 10-15 taong libre sa buwis, buong kalayaan ng mga dayuhan na mag-uwi ng lahat ng kita, 30 anyos na prangkisa, mababang pasahod at puro kontraktuwal na obrero,  pagbalikat ng palpak na utang ng mga kontratista at 100% pagmamay-ari ng mga kontratista?

Nakupo!

Nasaan diyan ang pansalba kay Juan sa hirap ng buhay? Itong tanong na ito ang pinakamahalaga sapagkat sa kasaysayan, pang-eleksyon lang naman si Juan sa turing ng mga onorabol.

Beri isi na intindihin na pabor na pabor ang mga patakaran sa panig ng mga negosyante.

At malinaw ding para sa mga onorabol ang kalahati ng pakinabang. Pustahan pa tayo! Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply