NBI, binigyan ng ultimatum sa pag-aresto kay Lacson

BINIGYAN na ng ultimatum ni Department of Justice Secretary Leila de Lima ang National Bureau of Investigation (NBI) para maaresto si Senator Panfilo Lacson.

Ayon kay De Lima, ilang araw lang ang ibinigay niya sa elite team ng NBI para mahuli ang senador.

Sinabi pa ng Kalihim na natutukoy na ng NBI elite team ang kinaroroonan ni Lacson na umano’y nasa area lamang ng Metro Manila.

Si Lacson ay iniuugnay sa pagpatay kay publicist Salvador “Bubby” Dacer at sa kanyang driver na si Emmanuel Corbito isang dekada na ang nakakaraan.

Ani De Lima, binigyan na n’ya ng ultimatum ang NBI dahil ayaw niyang isipin ng publiko na inutil ang bureau at ang kanyang departamento dahil nananatiling bigo ang dalawang ahensiya na maaresto ang senador.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pagsuporta si De Lima sa panukala ng Philippine National Police na mag-alok ng dalawang milyong pisong reward para sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ni Lacson.

Naniniwala si De Lima na mapapadali ang pag-aresto o pagsuko ni Lacson kung may reward money.

Una nang hiniling ng abogado ni dating Police Superintendent Cezar Mancao na si Ferdinand Topacio na maglaan ng pabuya o reward ang DOJ upang mabilis na maaresto si Lacson. Dagdag na ulat ni Teresa Tavares

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply