Nora, Vilma muling pagbabanggain

Nora-Vilma magbabanggaan uli

HAHARAP ngayong araw na ito, Biyernes, si Vilma Santos sa mga miyembro ng movie press sa isang espesyal na press conference na inihanda ng aktres sa kanyang mga kaibigang peryodistang pampelikula.

Matagal na itong binalak ni Vilma pero ngayon lang nagkapanahon ang bituin dahil sa dami ng kanyang mga opisyo sa Lalawigan ng Batangas.

Isinumpa nga niya noong kanyang kaarawan na ang kanyang hiling ay makasama ang mga movie reporter sa isang pagpupulong kung saan isisiwalat niya ang kanyang mga plano para sa susunod na taon.

Itinaga ni Santos sa baton a babalik siya sa pelikula sa 2011 dahil pinag-aagawan siya ng mga direktor na makagawa ng obra sa kanila kaya nakapila sina Chito Roño, Jeffrey Jeturian, Adolf Alix, Jr. at Armando Lao, kilala rin sa tawag na Bing Lao, ang bantog at premyadong mandudulang pampelikula.

***

Pa-Christmas din ni Vi ang kanyang pakikipagtalamitam sa mga movie writer ngayong ika-26 ng Nobyembre, 2010.

Matagal nang hindi ito ginagawa ni Santos-Recto at ngayong nagka-time siya ay hindi na niya pinakawalan.

Ikinunsulta niya kay Aida Fandialan ang kanyang mga iskedyul at puwede pa ang pagsingit sa miting sa mga peryodistang pampelikulang nais siyang makaututang-dila.

Nagpahinga nang matagal si Baby Vi, natulog nang kumpleto para sariwang-sariwa siya sa pagharap sa movie press na ngayon pa lang ay atat na atat nang makadaupang-palad siyang muli.

***

Samantala, kumpirmado na ring mag-aaktibo sa showbiz sa Pilipinas si Nora Aunor kaya asahang buhay na buhay ang labanang Nora-Vilma sa susunod na taon.

Regular ang tawagan nina Nora at Ian de Leon para sa preparasyon ng pagbabalik ni Aunor sa bansa.

Nagpupulong na nga sina Ian, Lotlot, Matet, Kenneth at Kiko de Leon para sa pagsalubong sa kanilang ina.

“Miss na miss ko na ang Mommy ko. Buti na lang, may nakita akong mommy-mommy-han sa showbiz. Alam ba ninyo kung sino siya? Siya si Tita Zeny Marcelo-Poe na widow ni Conrad Poe. Kasi, maliit din siya na tulad ni Mama.

“Kaya sabi k okay Tita Zeny, habang wala pa si Mama, siya muna ang Mommy ko. Siya ang hingahan ko ng mga problema at sekreto kaya parang nandito na rin ang Mommy ko,” pahayag ni Ian.

***

Nailibing na si Carmen Ronda sa musoleyo ng mga Chua, ang tunay na apelyido ni Rhene Imperial, sa Himlayang Pilipino sa Tandang Sora noong Miyerkules ng umaga.

Mahal na mahal ng mga Chua si Carmen at alam ba ninyo na hanggang sa kauhuli-hulinang sandali ay nakakabit sa pangalan ni Carmen ang apelyidong Chua dahil hindi naman napawalang-bisa ang kasal nila ni Imperial kahit na naghiwalay sila.

Nakaukti sa obitwaryo ni Carmen ang kumpletong pangalan na Carmen Ronda Chua.

Ang mga Chua mismo ang nagboluntaryo na sa kanilang libingan isama si Ronda.

Ang balak ni Manny Pacquiao na dumalaw man lang sa burol ni Ronda ay hindi na nangyari kahit na kulit nang kulit sa kanya ang stuntman na si Danny Labra.

Nagpasabi si Manny na dadalaw siya sa lamay ni Carmen dahil hindi na ito iba sa kanya kung saan si Rhene ay hilaw niyang bayaw o bilas nang magsama ang kakambal ni Jinkee Pacquiao, ang asawa ni Manny, na si Janet Amora at magkaanak ng dalawa.

Marami ang naghintay kay Pacquiao sa punerarya pero namuti na ang mga mata nina Willy Milan, Bert Vibar, Felix Magat, Jess Sanchez, Roland Lerum, Arthur Quinto at Richard Duran pero ni anino ni Manny ay hindi nila mamulatawan.

***

May balak na magsama sa isang pelikula si Rhene at ang Pambansang Kamao at niluluto na ang obra pero maghihintay pa ang action star ng maraming oras ng boksingero.

Magproprodyus na rin muli si Imperial pagkatapos na magtayo siya ng bar sa Baras, Rizal.

Nagpupunta sina Renz Verano at Ramona Revilla sa puwesto ni Imperial sa malayong Baras dahil mahal nila ang action star. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply