Number coding sa bus tuloy sa Nob. 15

ITUTULOY na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “experimental” sa implementasyon ng number coding sa mga pampasaherong bus sa darating na Nobyembre 15 sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Ito’y sa kabila ng matinding pagtutol ng mga bus operators at mga transport groups sa naturang panukala.

Sinabi ni Chairman Francis Tolentino, napapanahon ang implementasyon nito lalo na’t inaasahan ang lalo pang paglala ng trapiko sa mga lansangan dahil sa papalapit na Kapaskuhan.

Iginiit ni Tolentino na may matinding pangangailangan upang mabawasan ang bilang ng sasakyan partikular na sa EDSA.  Dahil sa ipinatutupad na ang number coding sa mga pribadong behikulo, dapat na ipatupad din ito sa mga pampasaherong bus na napansin nilang hindi naman napupuno sanhi upang magkarerahan ang mga ito sa pag-pick-up ng mga pasahero.

Sakop rin ng panukalang number coding ang mga bus na biyaheng probinsya na pumapasok ng Metro Manila.  Inaasahan ng MMDA na mababawasan ng 20% ang bilang ng bus sa Kamaynilaan kada araw.

Sa ilalim ng number coding scheme sa mga pampasaherong bus, walang “window hours” na ipatutupad kaya nangangahulugan na epektibo ito mula 7:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi.

Pinaalala rin naman ng MMDA na epektibo ang “number coding” sa mga pribadong sasakyan ngayong Martes (Nobyembre 2) matapos na hindi ideklara ng Malacañang na official holiday.

Nakaalerto naman ang buong puwersa ng MMDA dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga motoristang magbabalik buhat sa mga lalawigan. Johnny F. Arasga

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply