Orcollo, Kiamko siniguro ang medalyang ginto

Bumawi ang mga Pinoy cue artist sa Men’s 9-ball pool singles matapos manaig sina Dennis “Robocop” Orcollo at Warren “The Warrior” Kiamko sa magkahiwalay na semifinals match sa nagaganap na 16th Asian Games sa Guangzhou, China.

Nalaglag ang ibang Pinoy cue bets sa 8-ball competition kaya naman gumanti naman sina Orcollo at Kiamco upang siguruhin ang Gold at Silver medal para sa Pilipinas.

Maghaharap sina Orcollo at Kiamko sa final match matapos kaldagin sina Jeong Young Hwa, 9-3, ng Korea at Taiwanese star Ko Pin Yi, 9-7 sa semis.

“Magandang pampalakas ng loob sina Orcollo at Kiamko kasi sure na may gold at silver na tayo, sana suwertihin din kami sa ibang events kasi malalakas ang mga naglalaro ngayon hindi sila puwedeng biruin,” pahayag ni Marlon “Marvelous” Manalo na nakatakdang kumatok sa main draw sa pakikipagtumbukan kay Marco Fu Ka Chun ng Hong Kong sa Men’s Snooker Singles event.

Dinaanan ni Orcollo si Masaaki Tanaka, 9-4 ng Japan sa last 16 at saka kinaldag si Long Phuc Nguyen, 9-8 ng Vietnam sa quarterfinals.

Habang si Kiamko ay pinulbos si Man Chen Lee, 9-3 ng Hong Kong sa last 16 at sa quarterfinals ay pinatalsik si Jinhu Dang, 9-8 ng China.

Patuloy pa rin ang pagdodomina ng China sa medal standing kung saan ay umalagwa na ito sa 105 gold medals na naisukbit at habang isinusulat ang istoryang ito ay may isang gold at apat na bronze na ang Pilipinas.

Samantala, kasalukuyang tumutumbok si Pinay cue artist Irish Rañola kontra Xiaofang Fu sa quarterfinals ng Women’s 9-ball pool singles event. (ED)

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply