P2.5K sweldo para sa kasambahay, umuusad na sa Senado

TULUYAN nang umusad ang panukalang batas sa Senado na naglalayong bigyan ng proteksiyon ang lahat ng kasambahay.

Ito ay matapos ipako sa P2,500 kada buwan ang pinakamababang sahod ng mga kasambahay na namamasukan sa Metro Manila.

Nais sanang gawin ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na maging P3,000 kada buwan ang pinakamababang sahod ng kasambahay sa Metro Manila. Ngunit nagkasundo ang mga kasapi ng Mataas na Kapulungan na ipako sa P2,500 ang suweldo alinsunod sa panukala ng komite.

Sakaling tuluyan nang maaprubahan ang panukala, maaamyendahan na ang probisyon sa Labor Code of the Philippines. Itinakda ng nasabing batas na P800 kada buwan ang pinakamababang sahod ng mga kasambahay sa Kamaynilaan.

Ayon pa sa panukala ni Estrada, makatatanggap naman ng minimum na P2,000 kada buwan na sahod ang mga kasambahay sa first class municipalities at P1,500 sa iba pang munisipalidad.

Nais naman nina Senate Majority Leader Vicente Sotto III at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi maapektuhan ng panukala ang mga kasambahay na sa kasalukuyan ay sumasahod ng mas mataas kaysa P2,500 kada buwan.

Sa kanyang tugon, sinabi ni Estrada na maglalagay ng isang probisyon sa panukala hinggil sa naturang argumento ng dalawang senador.

“Magiging mandatory ang pagkakaroon ng kontrata sa pagitan ng kasambahay at amo nito upang matiyak na hindi maagrabiyado ang kanilang kalagayan,” ani Estrada.

Idinagdag ni Estrada na maituturing na kakaibang mga trabahador ang mga kasambahay dahil may tiwala sa kanila ang kanilang mga employers. “They (kasambahay) enjoy the trust and confidence of their employers and that they are called kasambahays precisely because they are considered as part of the family.”

Pero nilinaw din ni Estrada na bagamat isinusulong niya ang karapatan ng mga kasambahay, kung ang isang yaya naman ay nanakit ng kaniyang inaalagaang bata, maaaring i-terminate kaagad ang kontrata nito at sampahan siya ng kaukulang kaso sa korte.

Nilinaw din ni Estrada na hindi kasama ang family drivers sa Kasambahay Bill na pumasa na sa ikalawang pagbasa sa Senado. Ernie Reyes

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply