Pacquiao balik Pinas na

MAINIT ang naging pagsalubong ng mga Pilipino kay Saranggani Congressman Manny “Pacman” Pacquiao nang dumating ito sa bansa matapos ang kanyang matagumpay na laban kay Antonio Margarito sa Dallas Stadium.

Lulan si Pacman ng PR Flight 103 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 kasama ang kanyang misis na si Jinkee at iba pang kaanak at kaibigan.

Sumalubong kay Pacman ang isang streamer mula sa Manila International Airport Authority (MIAA) na nagpapahayag ng pagbati sa kongresista.

Matapos ang press conference, dumaan si Pacquiao sa New World Hotel sa Makati City para mag-almusal. Nagsimba rin sila sa Quiapo at bumisita kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Malakanyang.

Binati naman ni Pangulong Aquino si Pacman at pinasalamatan sa karangalang ibinigay nito sa bansa.

Binigyan naman ni Pacman ng jacket ang Pangulo na may tatak na “Team Pacquiao”.

Mamayang hapon, bibigyan naman ng victory party si Pacquiao sa Mall of Asia sa Pasay City.

Samantala, labis-labis naman ang pasasalamat ni Pacquiao sa dasal at suporta ng sambayanang Pilipino. Sa press conference sa NAIA kaninang umaga, sinabi ni Pacquiao na inaalay niya ang panalo sa sambayanang Pilipino.

Nilinaw din ni Pacquiao na handa siyang lumaban kanino man matapos ang bakbakan nila ni Antonio Margarito. Wala aniya siyang pinipiling laban at handa siyang lumaban sa sinumang hahamon sa kanya.

Plano naman ng People’s Champ na bumawi ng oras sa kanyang pamilya sa pasko matapos na maging abala sa kanyang training.

Kaugnay naman ng mga mungkahing tumakbo siya sa pagka-presidente sa susunod na eleksyon, sinabi ni Pacquiao na nais niyang mag-concentrate na muna bilang kongresista at tumulong sa kanyang distrito.

Nagpapasalamat aniya siya sa suportang natatanggap para maisakatuparan ang kanyang pangarap na makapagpatayo ng ospital sa kanilang lalawigan.

Bukas naman si Pacman sa mungkahing maging miyembro ng peace panel sa pagsasabing gagawin niya ang lahat ng pwede niyang maitulong sa gobyerno.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply