Pagbebenta ng silver cleaner bawal na

BUNSOD nang dumaraming kaso ng pagpapakamatay gamit ang cyanide-laced silver cleaner, ipinagbawal na ng Department of Health  (DoH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagbebenta ng naturang nakalalasong kemikal.
Sa isang joint advisory, idineklara nina Health Secretary Enrique Ona at Environment Ramon Paje ang silver cleaner, na nagtataglay ng cyanide at iba pang nakalalasong kemikal, bilang “threat to health and safety,” kasabay nang mahigpit na pagbabawal sa pagbebenta nito.
Nagbabala rin ang mga naturang government agencies sa mga importer, vendors at commercial establishments na mahaharap sa kaparusahan kung mahuhuling nagbebenta ng silver cleaner.
“All commercial establishments such as jewelry shops and other retail outlets and ambulant vendors are strongly warned against selling and/or dispensing unregistered and unlabeled silver cleaners,” nakasaad sa naturang joint advisory.
“Anyone found selling the banned products shall be penalized,” babala ng joint advisory.
Hinikayat ng DOH at ng DENR ang mga concerned citizen na kung may nalalaman silang lumalabag sa naturang kautusan ay kaagad na isumbong sa DOH-Food and Drug Administration sa pamamagitan nang pagtawag sa numerong 807-8275.
Upang maiwasan naman ang indiscriminate disposal ng silver cleaner na maaaring makapinsala sa aquatic life, inatasan din ng DOH at DENR ang mga tao at mga kompanya na isurender ang kanilang mga unregistered at unlabeled na silver cleaning agents na nasa kanilang pag-iingat.
Pinayuhan pa nito ang publiko na magtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng DENR-Environmental Management Bureau, DOH-FDA at  regional offices, upang dito i-surrender ang kemikal.
Kaugnay nito, plano ng toxic watchdog ng EcoWaste Coalition na magsagawa ng information campaign hinggil sa naturang advisory ng DOH at DENR.
Ayon sa EcoWaste, magpapakalat sila ng “Save Lives” posters upang paalalahanan ang mga dealer at consumers hinggil sa advisory.
Sinabi ng EcoWaste na batay sa istatistika ng University of the Philippines National Poison Management and Control Center, noong 2009 lamang  ay 11 Pinoy, kabilang ang tatlong matanda at walong bata, ang nasawi, sa 235 kaso ng silver cleaner poisoning, sa Philippine General Hospital.
Mula Enero hanggang Setyembre naman ng taong 2010, nasa 11 katao na ang namatay dahil sa naturang kemikal, kabilang dito ang anim na matanda at limang bata.
Tumaas din  ang “non-accidental intake” o sadyang pag-inom ng silver cleaners, na mula pitong porsiyento noong 2005, ay umabot na sa 86 porsiyento noong 2009.
Mula Hulyo hanggang Setyembre 2010 naman, 57 sa 68 na in-patient admission at telephone referral na natanggap ng UPNPMCC ay dulot din ng sinadyang pagtungga ng silver cleaners.  Kyle Gatus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply