Pagbusal ng Glorietta explosion whistle-blower inamin ng AFP

Aminado si Armed Forces chief Gen. Ricardo David na pinagbawalan niyang magsalita si (retired) Army Col. Allan Sollano na magsalita hinggil sa nadiskubre nitong bomba ang dahilan ng pagsabog sa Glorietta mall noong 2007.

Sa isinasagawang pagdinig ng Department of Justice (DOJ) fact-finding committee, sinabi ni David na inatasan niya si Sollano na huwag magbigay ng pahayag sa media hinggil sa nadiskubre nito.

Sa halip umano ay makipag-ugnayan na lamang si Sollano sa pamunuan ng AFP at ipaubaya na sa kanilang tagapagsalita ang pagpapahayag sa media.

Subalit pinabulaanan ito ni Sollano, na naggiit na walang ipinag-utos sa kanya si David na makipag-ugnayan sa kanilang spokesperson.

Sa pagdinig ay prinisinta din ang sinasabing plastik na nakuha umano ni Sollano sa crater sa lugar na pinagsabugan na nagpositibo sa “high explosive.”

Kaugnay nito, idinepensa naman ng retiradong bomb expert ng Philippine National Police (PNP) na si Jojo Capacete ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng PNP na nagsasabing methane gas ang dahilan ng pagsabog sa Glorietta.

Ipinaliwanag ni Capacete na batay sa kanilang masusing pag-aaral ay malinaw na hindi bomba ang dahilan ng pagsabog.

Ito aniya ay batay sa nakalap nilang mga ebidensya at sa epekto mismo ng pagsabog.

Kung high explosive kasi aniya ang dahilan ng pagsabog ay dapat na may mga trace ng bomba silang makukuha sa lugar. (Teresa Tavares)

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply