Pagsasaya kay Pacman napalitan ng gutom at hirap sa number coding

NAGULO ang buhay ni Juan makarang magsaya siya sa panalo ni Congressman Pacman sa boksing laban kay Antonio Margarito kamakalawa ng hapon.

Wala pa ngang 24 oras ang pagsasaya dahil pagputok ng liwanag ng araw kahapon ay biglang naging abnormal at malungkot ang kanyang buhay.

Naganap ito sa buong Metro Manila at sa karatig na mga lalawigan gaya ng Bulacan, Rizal at Cavite.

Paano kasi, nagwelga ang mga operator, drayber at iba pang mga bus sa Metro Manila dahil sa ipinataw sa kanila na number coding.

Sa sistemang number coding, lahat ng mga bus na may ending sa plaka na 1 at 2 ay di pupuwedeng bumiyahe sa araw ng Lunes; 3 at 4 – Martes; 5 at 6 – Miyerkules; 7 at 8 – Huwebes; at 9 at 0 -Biyernes mula alas 7:00 ng umaga hanggang alas 7:00 ng gabi.

Layon ng Metro Manila Development Authority na maibsan ang trapik sa Metro Manila sa pagbabawas ng nasa 2,000 bus araw-araw sa lansangan sa pamamagitan ng sistemang ito na pinaiiral na sa mga dyipni, taxi at pribadong sasakyan.

oOo

Katakot-takot na trapik ang inabot ng mga sasakyan kahit saan dahil sa pag-okupa ng mga pasahero sa kalsada.

May mga lugar na talagang walang bumiyaheng bus mula sa Bulacan, Cavite at Rizal at naistranded ang libong pasahero.

Yung mga may pasok sa trabaho o eskuwela, hindi nakapasok.

May mga pagawaan,  opisina at iba pang mga establismen namang hindi umandar o nagbukas sa pagkaistranded
o kawalan ng mga operator ng mga makina, computer at iba pa.

Yung mga galing sa lalawigan, naantala ang kanilang pagpasok sa Metro Manila at nagkaroon ang marami sa kanila ng mga problema sa tiyan at puwet.

May mga maysakit pa ngang lumala ang kalagayan sa pagkakulong nila sa bus na hindi pinayagang makapasok sa nasabing lugar.

Totoo na naging bisi ang mga LRT at MRT. Tinakpan nila ang butas ng mga hindi bumiyaheng bus.

Pero hanggang kung saan lang sila tumatakbo naging kapaki-pakinabang.

Ang kitang-kita, nang pumutok ang labis na kakulangan ng bus, hindi nagkasya ang mga sasakyang ginamit ng MMDA na pamalit dito.

Naging palpak ang mga solusyon ng MMDA sa biyahe ni Juan bilang tugon sa problemang nilikha ng number coding nila.

Hirap at gutom talaga, Suki, ang inabot ng marami, maging ang mga isang kahig, isang tuka sa mga lansangan.

Sino ang hindi malulungkot at iiyak sa ganyan na kalagayan, huh?

oOo

Maganda siguro na pag-aralan ng husto ng pamahalaan ang trapik, lalo na ang mismong kamalian o pagkukulang nito bago ito magpatupad ng programa na ikinagugulo ng buhay ni Juan.

Diyan lang kasi sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, binubuhay pala ang mga patay.
Wataymen, ang mga patay na prangkisa kaya bigla-biglang dumarami ang mga bus.

Meron ding mga kolorum pero pinababayaan lang ito ng LTFRB, maging ng LTO, dahil malalaking tao ang mga may-ari o protector ng mga ito.

Pagkatapos, eh, titirahin silang lahat ng number coding at kanselasyong ng prangkisa?

Ano yan, huh? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply