Palakpak boys sa Palasyo kulang sa koordinasyon?

MAY nangyari na naman na kapalpakan sa Palasyo.

Ukol pa naman sa national security dahil usapin ito ng terorismo.

Hindi ba reklamo nang reklamo si Pangulong Noynoy sa ibang mga bansa sa biglaan at walang abiso umanong pagdedeklara sa mahal kong Pinas na delikadong bansa para sa mga dayuhan dahil sa mga terorista?

At pinagpapaliwanag pa ni PNoy ang mga embahador ng mga dayuhang bansa sa paghahayag ng mga travel advisory ng kani-kanilang pamahalaan na labis na nakasisira sa imahe ng Pilipinas sa iba!

Yun pala, depende sa sinasabi ng mga dayuhan, as early as November 1 and 2 o panahon ng Undas pa nagsabi ang mga dayuhan sa kanilang mga travel warning sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of National Defense, Philippine National Police at iba pa.

Kung nagsasabi ng totoo ang mga dayuhang pamahalaan na nagwarning sila ng maaga para sa sarili nilang mga kababayan sa pagiging delikado sa terorismo ang Pinas at inabisuhan na nila ang mga susing tauhan ng pamahalaan, aba may hindi magandang nagaganap mismo sa Palasyo.

Maalaala ninyo ang naganap na pagtawag ng Hong Kong leader kay PNoy na hindi nakarating sa huli sa tamang oras kaugnay ng Luneta massacre?

Hayun, natodas ang walong taga-Hong Kong at katakot-takot na problema ang nilikha ng tila pagbabalewala sa nasabing tawag kay PNoy.

Lumalabas na naulit na naman ang ganitong sitwasyon at mas delikado pa sa Luneta massacre ang ibinubunga nito.

Una, inilagay si P-Noy sa nakahihiyang sitwasyon sa pagrereklamo nito nang wala sa lugar.

Ikalawa, hindi nagkaroon ng aktibong pagkilos ang mga kinauukulan laban sa terorismo sa gitna ng pagiging alerto ng ibang mga bansa ukol dito.

Ikatlo, dahil sa kawalan ng pagiging alerto ng pamahalaan, nagkaroon tuloy ng takot ang mga dayuhang turista at investor na pumunta sa Pinas para gumastos at maglagak ng puhunan.

Matanong natin ngayon ang mga nasa Palasyo, kasama na ang mga nasa DND at PNP: kakulangan lang ba ng koordinasyon ang naganap o talagang grabeng kapalpakan?

Boy Scouts, ano ba?

oOo

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.
Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply