Papa, lumambot na sa condom?

DEPENDE kung sino ang nagsasalita, lumambot na o matigas pa rin ang Santo Papa sa posisyon nito tungkol sa paggamit ng condom.

Kung ang mga obispo ang tatanungin, matigas pa rin ang Papa laban sa paggamit ng condom samantalang sabi naman ng mga pasimuno ng kilusan para sa pagkontrol ng populasyon e malambot na ang Papa sa condom.

Nagsimula ang kaguluhang ito nang lumabas ang balita na sinabi umano ni Papa Benedict XVI na pwedeng gumamit ng condom ang isang lalaking pokpok para makaiwas umano siya sa AIDS. Ang sinabing ito ni Papa e lalabas umano sa isang librong sinulat ng isang Aleman.

Ang mismong dyaryo ng Vatican na L’Osservatore Romano ang naglabas ng ulat tungkol sa libro at sinasabi nga raw ng Papa na may mga pagkakataong pwedeng gumamit ng condom, gaya nga ng kaso ng paglaban sa AIDS.

Malaking bagay ito sa Simbahan dahil noong isang taon lang e katakut-takot na batikos ang inani ng Papa nang sabihin niyang sa halip na mabawasan ang AIDS e lumala pa ito dahil sa condom. Ngayon, dahil sa sinabi niyang pwede palang gumamit ng condom sa piling pagkakataon, parang nabaliktad na ang nauna niyang sinabi.

Hindi man sinasadya, binigyan ng Papa ng malaking sakit ng ulo ang mga obispo dito sa Pinas na mahigpit na nangungunyapit sa paniniwalang walang pagkakataon na pwedeng gumamit ng condom ang mga Katoliko.

Kabilin-bilinan kasi ng Papa noon na hindi sila papayag sa artipisyal na pamamaraan sa pagkontrol ng populasyon.

Anila, binabaluktot daw ng mga nagsusulong ng condom at birth control ang tunay na sinabi ng Papa sa libro.

Sabi ni Oscar Cruz, lumang doktrina raw ang ginamit ni Benedict na kung tawagin e “isang aksyon na may dobleng epekto.” In short, two-in-one. Isang bato, dalawang ibon. Ang paggamit umano ng condom e nakapipigil ng buhay pero pwede ring makapagligtas ng buhay dahil lumalaban nga ito sa AIDS.

Kung naguguluhan kayo, may mas simpleng paliwanag ang ilang kakampi ni Cruz. Anila, ang pinag-uusapan ni Papa e hindi birth control kundi paglaban sa AIDS. Mali pa ring gumamit ng condom pero may pagkakataong ang isang maling bagay kung papunta naman sa tama e ayos lang, sabi nila. Kwidaw, hindi kailanman inindorso ng Papa ang paggamit ng condom, anila.

Para naman sa mga tagasuporta ng reproductive health sa Kongreso, lalo na ‘yung mga Katoliko na takot sa Simbahan, malaking bagay ang sinabi ng Papa dahil ganun naman pala. Pwede naman palang gumamit ng condom. Pasasaan ba’t maliliwanagan na rin ang Simbahan sa kalaunan ng pangangailangang kontrolin ang populasyon para maibsan ang kahirapan, sabi nila.

Partikular na natutuwa dito si Kong. Edcel Lagman. Anya, simula lamang ito. Kung lumambot umano ang posisyon ng Papa, pwedeng lumambot pa ito sa kalaunan hanggang pumayag na nang tuluyan sa birth control.

Pwedeng suntok iyon sa buwan, pero anong malay natin? Maraming kababalaghang nangyayari sa mundo. Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply