Pasko sa Greenhills

NAKUHA sa tawaran ang P1,200 lambat na pamukol sa kawan ng ayungin, tilapia, bundalag, o kahit paltat at gurami… pero walang maisip na pagpupukulan… dalawang lugar lang ang sumiksik sa isipan.

May kapirasong lagoon sa silangang bahagi ng National Press Club, nagtusak sa karpa, walang lasa pero makulay ang kaliskis ng koi, katakam-takam na pasingawan kasama ng luya, murang dahon ng sibuyas at tausi… hindi napahinuhod ang nakaguwardiya sa binabalak.

Meron pang isa—at doon madalas kaming pagbigyan, libre ang tournament venue, sa idinaraos naming mga paligsahan sa chess at Scrabble para sa mga kabataan… sa Greenhills Shopping Center!

Meron din silang lagoon, tinambakan ng tilapia para kagiliwan—matutuwa dito ang mga bata—ng mga mahilig sa pamimingwit… pero kung gano’n daw ang aking balak, manlambat na lang daw ako ng mga seksi’t may asim pang matrona na patakbo-takbo sa paligid ng Greenhills tuwing umaga… masarap din silang kainin, tiyak daw na makakarami.

Tuloy na tuloy ang Pasko sa Greenhills o ang itinuturing na “Divisoria sa Silangan,” ayon sa pamunuan ng kilalang shopping center sa lungsod ng San Juan.

Pero dahil sa banta ng terorismo, kinailangang suriin at palakasin ang mga patakaran ukol sa kaligtasan
at seguridad sa metropolitan malls and shopping centers, kasama na ang Greenhills dito.

Presyong Divisoria kasi sa Greenhills kaya talagang dinadagsa— paborito ko ang puwesto ng mga nagtitinda ng halaman, alahas, muwebles, at kainan.   Kaya naman kailangang pahusayin ang seguridad.

Kaya nagpapatupad na daw sila ng karagdagang pag-iingat sa kaligtasan at seguridad ng mga mamimili, pahayag ng pamunuan ng sikat na pamilihan.

Nakikipag-ugnayan sila nang lubusan sa lokal na pulisya at sa lokal na pamahalaan ng San Juan para matiyak ang katiwasayan sa Greenhills Shopping Center pati kaligtasan ng mga mamimili.

Kaya dadagdagan ang inspeksiyon sa loob ng pamilihan at parking areas sa paligid. Dagdag din ng foot patrols at K-9 units.

Pagbubutihin din daw nila ang daloy ng trapiko sa loob at sa paligid ng shopping center. Magiging dalawa na ang valet parking stations dito, malaking bagay para sa mga mamimili dahil tiyak na dadagsa sila dito habang papalapit ang Pasko.

Suportado naman ng stallholders ang pagpapahusay ng seguridad sa Greenhills. Karamihan sa kanila’y Muslim – na baka naging dahilan marahil kung bakit nagtaas ng terror alert status sa San Juan.

Nakakalungkot kung bakit tila napakabilis husgahan ng kinauukulan ang mga kapatid na Muslim kaugnay sa terorismo.

So unfair, there’s discrimination there. Unang nasasaktan at nagdaramdam sa ganitong diskriminasyon ay mismong mga Muslim sa Greenhills. Kapag kaunti ang mamimili, kaunti ang benta, kaunti ang kita.

Kaya naman all-out ang Greenhills Shopping Center para mapalakas ang seguridad nila. Tinitiyak din nila na tiwasay sa shopping center para panatag ang loob ng mga mamimili. Para sa mga Muslim na nangangalakal, mahalagang makuha nila ang tiwala ng mamimili para matiyak ang isang payapa’t masaganang Kapaskuhan. Dong delos Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply