PCSO atras-bawas sa pagbibigay ng malaking premyo sa lotto

TOTOHANIN ba ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office ang hindi pagbibigay nang buo na premyo sa mananalo ng Lotto 6/55?

Dapat na bantayan ni P-Noy ang mga tsuwariwap nito sa usaping ito.

Mantakin ninyo, kamakalawa ay inginakngak ng isang mataas na opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office na hindi nila ibibigay agad nang buo ang mapananalungang premyo sa mananalo ng Lotto 6/55.

Ito’y para may babalikan pa umanong halaga ng masuwerting mananaya sa mga susunod na araw.

Ano ang ibig sabihin nito, PNoy, huh?

oOo

Sa pagkakaalam natin, Suki, walang patakarang ganito.

Pag nanalo ka, makukubra mo kaagad ang buong premyo mo.

Ganito ang patakaran na umiiral sa lahat ng mga nananalo sa Lotto sa repablik ni Juan.

Ngayon ay biglang nagbago ang ihip ng hangin.

Tsatsaptsapin nila ang premyo at gagawin nilang hulugan ang pagbibigay?

Para ano ang matitirang premyo?

Pananatilihin ba sa bangko o sa kahon ng PCSO?

Kapag ganyang biglang nagbabago ang patakaran ng PCSO pag malaking halaga na ang pinag-uusapan,
kaduda-duda na yan.

Hindi masamang may mag-isip na baka maglaho na lang ang halaga at guguluhin nila ang lahat para hindi
makakubra nang buo ang suwerting mananaya.

oOo

Kayo riyan sa PCSO, napakalaki ang tiwala sa inyo ni Juan.

Huwag naman ninyong sirain ang pagtitiwalang yan.

Ang paglabas ng ganyang biglaang pagsirko ng patakaran ay palatandaan ng kalawang o anay sa PCSO.

Kung pinagdududahan ang PCSO sa nakaraan dahil nililimas umano ang pondo nito ng mga maruruming kamay, panahon nang baguhin yan.

Ipakita ninyo ang inyong buong katapatan sa Boss ni PNoy.

Huwag na huwag magpakita ng anomang interes sa salapi nang may salapi. Peryud!

oOo

Habang walang umiiral na patakaran o batas na pipigil nang kahit sentimo na bahagi ng premyo, walang anomang salita ang dapat na lumabas sa dila ng mga taga-PCSO para rito.

Kaya nga naeengganyo nang todo ang mga mananaya ay dahil sa patakarang bigayan na kaliwaan. Walang kondi-kondisyon, walang bawas-bawas, walang atras-atras sa pagbibigay.

Isa pa, hindi pupuwedeng basta na lang maglatag ng ganyan na patakaran ang PCSO nang walang pasabi sa mga mananaya.

Kapag itutuloy ng PCSO ang patakaran nang walang umiiral na batas para rito,  maniwala kayo, Suki, masisira ang Lotto.

Wala nang maniniwala riyan at wala na ring tataya.

Kung meron man ay pigil.

Magbubunga naman ito ng pagkaparalisa ng PCSO at hindi na nito magagampanan ang tungkulin nitong pablik serbis.

Isusumpa hindi lang ang Lotto kundi mismong ang PCSO.

Ang pinakamasakit, tiyak na mapupundi si Juan kay PNoy at tuluyan na itong hindi paniniwalaan ni Juan hanggang sa ito’y imasaker sa pagka-Pangulo nito.

Ohuh? Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply