Pinoy drug trafficker sa Guam, tiklo

INARESTO  ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Filipino green card holder na dating nag-aangkat ng shabu sa Pilipinas patungong Guam.

Si Mario F. Mercader, 60 anyos, na may mga alyas na “ Super Mario,” “Boy George,” “Supot,” at “Sacho Boss” ay nakatakdang ideport sa Estados Unidos upang iharap sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Ayon kay NBI Foreign Liaison Division chief  Claro de Castro Jr., may extradition request ang US government laban kay Mercader na sinampahan ng kaso sa US District Court of Guam.

Ang suspect ay nadiin sa mga charges na conspiracy to import and distribute methamphetamine hydrochloride o kilala sa tawag na shabu.

Nabatid na pinayagan na ng Manila Regional Trial Court – Branch 30 ang kahilingang  ma-extradite si Mercader. Ang request for extradition ay hiniling ng US government noon pang 2005.

Ang  kaso ni Mercader ay nagsimula nang mabuko siya na nagbibiyahe ng mula sa Pilipinas patungong Guam mula 1995 hanggang 1997. Napapalusot umano niya ang shabu sa kanyang mga biyahe.

Namasukan umano si Mercader sa Lufthansa Services Group (LSG) na nakakontrata sa Continental Airlines.

Ang gawain umano ng suspect ay kumuha ng couriers na pawang LSG employees na nakakalabas-masok sa eroplano.

Ang mga employee ang siya umanong nagtatago ng droga sa mga bulsa de yelo. Upang hindi matukoy, inilalagay umano ang mga bulsa de yelong may lamang shabu sa ilalim ng upuan o minsan ay sa banyo ng eroplano.

Minalas na madakip ng US Drug Enforcement Agency ang mga co-defendant ni Mercader.  Itinuro nilang source si Mercader ng shabu.

Nitong Nobyembre 16, nadakip si Mercader sa ancestral home niya sa Palanan, Makati City. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply