Prangkisa ng bus kanselahin – Kongreso

NAGKAKAISA ang buong Kongreso – Senado at Kamara ng mga Representante – na ipakansela ang prangkisa ng mga bus operator na nag-strike nitong Lunes.

Napikon na ang ilang senador sa pagmamarakulyo ng ilang bus operator na tumatahak sa EDSA kaya’t ipinanukalang lusawin ang lahat ng prangkisa ng kompanyang lumahok sa welga.

Iminungkahi ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bawiin ang lahat ng prangkisa ng mga bus operator na lumahok sa welga.

“Dapat rebyuhin na ang lahat ng prangkisa,” ayon kay Sotto.

Ipinaalala din ni Sotto sa mga bus operator na pawang public service ang motibo ng public transport system tulad ng mga bus na tumatakbo sa EDSA, kaya hindi makatuwiran ang pananaw ni Clair Dela Fuente na malulugi ang kanilang kompanya sa “number coding” na ipinatupad ng Metro Manila Development Authority.

Aniya, dapat buhayin ng MMDA ang Love Bus sa panahon ng pamumuno ni Ferdinand Marcos upang matiyak ang serbisyo ng pampublikong transportasyon.

Kasabay nito, ipinapakansela rin ng ilang kongresista ang prangkisa ng lahat ng kompanya ng bus na sumama sa strike.

Sinabi nina Navotas Rep. Toby Tiangco at Quezon City Rep. Winnie Castelo na dapat aksyunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng kaparusahan sa mga kompanya ng bus dahil sa pinsalang idinulot ng mga ito sa publiko.

“I will work for the cancellation of their franchises. There are means to address their redress and grievances. The commuters should not suffer,” ani Castelo.

“Under the terms of their franchises, they commit to provide service to the public. So to deliberately deprive that service to the public is a violation. The main reason that you are given a franchise is because you commit to provide service. So the LTFRB should sanction them,” wika ni Tiangco.

Samantala, tinutulan naman nina DIWA party-list Rep. Emmeline Aglipay at San Juan Rep. Joseph Victor “JV” Ejercito ang number coding scheme ng MMDA dahil pipinsalain daw nito ang ikinabubuhay ng mga tsuper. Ernie Reyes/Meliza Maluntag

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply