Prangkisa ng bus sa Metro Manila, pinakakansela.

Hiniling ni Caloocan City Vice Mayor at Vice Mayors’ League of the Philippines NCR President Egay Erice na kanselahin ang prangkisa ng mga bus na nakiisa sa ginawang pananabotahe sa gobyerno sa pamamagitan nang pagsali sa protesta noong Lunes.

Ang kahilingan na ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board  ay bunsod ng ginawang pagsali sa protesta ng mga bus companies noong Lunes dahil sa pinaiiral na number coding sa kahabaan ng EDSA ng Metro Manila Development Authority.

Ayon kay Erice, kailangang sumunod sa mga pagbabagong gustong gawin ng gobyerno dahil isa ito sa naiisip na paraan upang maibsan ang masikip na daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

Kasama rin sa mungkahi na kinakailangang maglagay ng integrated bus terminals sa north at south ang mga bus na bumibiyahe sa probinsiya nang sa gayon ay hindi na nakikipagsiksikan ang mga ito sa kahabaan ng EDSA at sa iba pang kalsada sa Metro Manila.

Samantala, makaraang matukoy ng Metropolitan Manila Development  Authority (MMDA) ang mga pasimuno sa nangyaring transport strike, maari diumanong magsampa ng class suit ang sinumang naapektuhang pasahero sa ginawang tigil pasada ng mga bus operators noong Lunes.

Tinukoy ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang dalawang malalaking bus companies na Manrose at Jell transit companies na nanguna sa tigil pasada dahilan upang ma-stranded ang libo-libong pasahero noong Lunes.

Sinabi ng opisyal na isinumite na nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kaso ng mga ito para sa kaukulang imbestigasyon.

Samantala ipinahayag naman ni  Department of Transportation and Communication (DOTC) Undersecretary at Spokesman Dante Velasco, na puwedeng magsampa ng class suit ang sinumang pasahero sa ginawang strike ng mga bus operators  bilang pagtutol nila sa pagpapatupad ng number coding scheme

Umani nang pagbatikos sa iba’t ibang on line forum si Integrated Metro Bus Operators Association (IMBOA) President Claire dela Fuente dahil hindi pinaniwalaan ng publiko ang mga ‘alibi’ nito.

Gusto ng taumbayan na dapat sumunod muna ang mga bus operators sa pagpapatupad ng Unified Vehicle Reduction Program sa ilalim ng RA 7924.

Matatandaang orihinal namang kasama ang mga bus sa number coding scheme at pinagbigyan lamang sila ng nakaraang administrasyon. (Rene Manahan/Johnny F. Arasga)

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply