Rali ng mga manggagawa,kawani tuloy bukas

Nag-alay ang mga miyembro ng Kilusang Mayo Uno at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, mga kaanib ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM), ng mga bulaklak sa monumento ni Andres Bonifacio bilang paggunita sa dakilang bayani ng mga anakpawis.

Ginawa ng grupo ang pag-aalay isang araw bago ilunsad ang malaking rali patungong Mendiola para igiit ang  makabuluhang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor.

Kung nabubuhay lang ngayon ang manggagawang bayaning si Andres Bonifacio, mag-aalsa rin siya laban sa barat na pasahod sa bansa,ayon sa grupo.

“Noong panahon niya, nag-alsa si Andres Bonifacio sa pang-aapi sa nakakaraming Pilipino ng iilang makapangyarihang dayuhan at Pilipino, kaya nakakatiyak kaming kung buhay lang siya ngayon, kasama sa lalabanan niya ang mapang-aping barat na pasahod sa bansa,” ani Lito Ustarez, executive vice-chairperson ng KMU.

“Hindi itinataas ng gobyerno ang pasahod sa pribadong sektor kahit ipinagmamalaki nitong lumaki ang tubo sa ilalim ng pamumuno ni Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi rin nito itinataas ang pasahod ng mga kawani nito kahit napakalaki ng bahagi ng pambansang badyet ang mapupunta sa dayuhang mga bangko at pamahalaan at sa matataas na opisyal ng gobyerno at militar,” dagdag ni Ustarez.

Kahit si Noynoy, tutuligsain

Ayon pa sa KPMM, kahit si Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III ay hindi paliligtasin at bagkus ay tutuligsain at lalabanan ng tagapagtatag ng Katipunan kung nabubuhay lang ito ngayon.

“Lalabanan ni Bonifacio si Noynoy hindi lang dahil galing sa pamilyang haciendero ang pangulo, kundi dahil kakampi ito ng malalaking kapitalista at opisyal-gobyerno, dayuhan man o Pilipino – na kitang-kita sa usapin ng sahod.

“Simula nang maupo si Noynoy, hindi pa siya nagsasalita tungkol sa panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod – habang tuluy-tuloy niyang tinitiyak sa mga kapitalista na mananatiling malaki ang tubo nila at habang tuloy ang ligaya ng mga kongresista, halimbawa, sa napakalaking pork barrel,” sabi pa ni Ustarez.

Nanawagan din ang lider ng KPMM ng paglahok ng mga manggagawa at mamamayan sa rali bukas, birthday ni Bonifacio, para sa makabuluhang dagdag-sahod. Ala-1:00 ng hapon aniya ang kitaan sa Welcome Rotonda, pagkatapos ay magmamartsa patungong Mendiola. D’Jay Lazaro

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply