Rayver Cruz, umurong ang dila

TALAGA namang may katuwiran si Rayver Cruz sa ginawa niyang mga pananahimik, at ito ay napatunayan sa dalawang magkasunod na pangyayari, na dalawang sikat na aktres sa showbiz ang napaugnay sa kanyang pangalan, kung saan humantong sa intriga ang pagiging malapit nila sa isa’t isa.

Siyempre pa, ang tinutukoy na dalawang aktres ay sina Sarah Geronimo at Cristine Reyes, na alam naman sa buong showbiz, na naging sobrang malapit sa kanyang puso.

Napagbintangan tuloy si Rayver, na diumano’y nagbago na siya ng ugali at nagiging madamot na na magbigay ng mga pahayag sa mga isyung dapat niyang bigyang-linaw.  Noon kasing nagbibinata pa lang siya, na si Shaina Magdayao pa ang ka-loveteam niya, ay makuwento kasi siya sa press kapag iniinterbyu siya.  Pero nitong magkasunod na ma-link siya kina Sarah at Cristine, ay parang umurong ang kanyang dila.  As in, ayaw na ayaw niyang magsalita.

‘Yun naman palang pananahimik niya, ay paraan lang niya para palipasin ang kontrobersiya at hinayaan na lang niyang sina Sarah at Cristine ang magsalita tungkol sa isyu nila.  Dahil sa kasagsagan ng mga intriga ay walang anumang negatibong salita na namutawi sa mga labi ni Rayver, kaya bonggang-bonggang nahaharap niya ulit ngayon si Cristine, dahil magkasama na sila sa teleseryeng “Kristine.”

Hayun, kung dati-rati ay parang ayaw ni Sarah na pag-usapan si Rayver, ngayon ay nasasabi na niya ulit na magkaibigan sila.  Baka nga ang ending n’yan ay magkasama pa sila ulit sa isang project, ‘noh!

TONI-MARIEL ISSUE, WALA PA RING TULDOK

Nang  huling pumasyal kami sa studio ng “The Buzz” ay napansin namin ni kasamang Mildred Bacud na ang ganda-ganda ni Toni Gonzaga.  Kakaiba kasi ang dating ng kanyang byuti, lalo pa’t kahit wala pa ring tuldok ang isyu nila ni Mariel Rodriguez.

Ayaw na rin naman ni Toni na pag-usapan pa ang tungkol sa nasabing alitan, lalo pa’t tutok siya ngayon sa kanyang mga trabaho, dahil bukod sa shooting ng pelikula nila ni John Lloyd ay busy rin naman siya sa taping ng “Kokey At Ako.”

Positibong sa sangkatutak na trabaho ni Toni inilagay ang kanyang panahon, kesa makunsumi siya at sobra pang magpaapekto tungkol sa friendship nila ni Mariel na nagkaroon ng lamat.  Kung dati-rati’y parang naghihimutok ang dating ng byuti niya, gaya nang dalawang linggong pagsalang niya bilang host sa “The Buzz”, ngayon talaga ay mukhang deadma na lang si Toni, lalo pa’t wika ng kanyang daddy ay nailabas na rin naman niya ang kanyang hinanakit.

Siyempre naman, nakalulungkot kapag ang friendship ay nasisira.  Pero para pala maging madali na makalimutan ni Toni ang tungkol sa gusot nila ni Mariel, ay napakalaki ng nagawa ng mga pagpapayo ng mga magulang ni Toni.

Ang sabi raw kasi ni Mommy Pinty Gonzaga, ay ang kanyang husband ang unang nagsabi kay Toni na kapag magkakasama sila, lalo’t nasa loob sila ng kanilang tahanan, ay huwag na lang pag-usapan si Mariel.

Yun na! Melchor M. Bautista

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply